Atras sa kompetisyon, mga planta magsasara... 100K trabaho sa Volkswagen, nanganganib sa 2030
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | September 5, 2026

Photo: Volkswagen cars - Indux - Circulated
Umaabot sa 100,000 trabaho ang posibleng mawala sa Volkswagen pagsapit ng 2030 matapos palawakin ng German carmaker ang cost-cutting program nito dahil sa lumalalang kompetisyon mula sa China at epekto ng US tariffs.
Inaprubahan ng management at labor unions ang dagdag na 50,000 job cuts, bukod pa sa 50,000 na nauna nang napagkasunduan. Katumbas ito ng tinatayang 15% ng
kabuuang workforce ng kumpanya.
Mahigit 650,000 katao ang empleyado ng Volkswagen Group sa iba’t ibang brands nito, kabilang ang Audi, Bentley, Skoda, Seat, Porsche, Cupra at Lamborghini.
Kasabay ng pagbabawas ng mga empleyado ang plano ng kumpanya na hatiin sa kalahati ang bilang ng mga car model na ginagawa nito upang mabawasan ang gastos at mapalakas ang operasyon.
Posible ring magsara ang apat na planta sa Germany na matatagpuan sa Hanover, Emden, Zwickau at Neckarsulm. Ayon sa kumpanya at mga unyon, hindi pa matitiyak ang operasyon ng mga ito pagsapit ng 2030s.
Sinabi ng Volkswagen na kailangan nitong iayon ang bilang ng mga manggagawa sa
kasalukuyang kalagayan ng negosyo.
Matapos ang mahabang pag-uusap, tuluyang inaprubahan ng supervisory board ang restructuring plan ng kumpanya. Ayon kay CEO Oliver Blume, mahalagang hakbang ito para sa kinabukasan ng Volkswagen.
Noong nakaraang buwan, hinarap ni Blume ang pagkadismaya ng ilang empleyado matapos siyang i-boo habang bumibisita sa headquarters ng kumpanya sa Wolfsburg, Germany.
Lumalaki ang problema ng Volkswagen sa European market dahil sa agresibong kompetisyon ng Chinese carmakers, habang bumababa rin ang sales nito sa China.
Dagdag pasanin din sa kumpanya ang US tariffs, bukod sa matagal nang problema nito sa sobrang produksyon at paghina ng kita sa Europe.
Hindi lang Volkswagen ang tinatamaan ng hirap sa Chinese market. Nakaranas din ng pressure ang ibang malalaking automakers, kabilang ang BMW, na kinailangang ibaba ang profit guidance nila dahil sa mga problema sa Chinese market at sa epekto ng Iran war.





Comments