top of page

Atras na ka-tandem ni Mike sa Kyusi… AIKO, NAKIKIRAMDAM SA PAGTAKBONG KONGRESISTA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 15, 2026



Aiko Melendez - FB

Photo: Aiko Melendez - FB



Ipinagtanggol ng content creator-talent manager na si Ogie Diaz ang alagang si Konsehala Aiko Melendez ng 5th District ng Quezon City sa mga naglabasang tarpaulin na nakalagay na kakandidato siya bilang vice-mayor ng lungsod at ang dating kongresistang si Mike Defensor ang kanyang ka-tandem.


Matatandaang ilang beses na itong kinlaro ng konsehala at sinabing fake news ito at huwag paniwalaan hangga’t hindi sa kanya nagmumula ang balita.


Base sa pahayag ni Ogie sa vlog nila ni Mama Loi kasama sina Dyosa Pockoh, Tamerlane Mopia at Oliver Carnay, maraming naninira kay Aiko dahil maayos itong magtrabaho.


“Wala po s’yang tinatanguan na partnership with Mike Defensor. ‘Yun ay pakalat at pakana ng mga kalaban ni Aiko kasi nga nagkukumahog na baka raw lumaban o umakyat sa mas mataas na posisyon si Aiko sa susunod na eleksiyon. Wala pong katotohanan ‘yun!” paglilinaw ni Ogie.


Susog ni Mama Loi, “‘Di s’ya tatakbong vice-mayor?


“‘Di raw, pero kung tatakbo man s’ya, ‘di si Mike Defensor ang kanyang mayor, if ever,” sagot ni Ogie.


Sabi ni Oliver, bakit hindi pangaralan ni Ogie si Aiko dahil magkaiba sila ng sinusundang kulay sa pulitika.


“Alam mo, sa totoo lang, ‘di ako nakikialam kung sino ang gustong suportahan ni Aiko at siya rin naman ay ganu’n din sa akin na ‘di n’ya pinakikialaman kung sino ang gusto kong suportahan. Magkaiba kami.


“Ang mina-manage ko lang kay Aiko ay ang kanyang showbiz career, ‘di ang kanyang political career. So, kung pinaniniwalaan n’ya ‘yung ibang kulay, magkaiba kami ng kulay, ay, respetuhan ‘yan,” diin ni Ogie.


KakamPINK si Ogie at si Aiko naman ay malapit sa mga Duterte at close rin ang huli kay VP Sara Duterte.


Tanda namin noong huli naming makausap si Konsi Aiko kamakailan ay natanong siya ni Ogie kung kakandidato ito sa 2028, pero sinagot siya ng “Gusto ko sana, tapusin ang termino ko, Mama Ogs. As of now, ‘yun ang plano ko.”


Pero sey ni Ogie sa vlog ay depende sa survey at nakikiramdam pa ang konsehala at kung maraming may gustong tumakbo siya sa Kongreso ay malamang na ito ang tatakbuhin niya sa susunod na eleksiyon.


Hirit ni Oliver, “Baka may magalit sa kanyang ibang congressman ‘pag tumakbo s’ya!”

“Hay, naku, wala akong pakialam,” tumawang sagot ni Ogie.



MAY post ulit kahapon ng hapon si Konsehala Aiko Melendez na muling ipinagtatanggol ang sarili dahil hindi raw siya tinitigilan ng mga naninira sa kanya.


Ikinuwento ni Aiko ang naging journey niya simula nang pasukin niya ang public service.


Aniya, “Sa loob ng halos 16 years ko sa public service, nakapagsilbi po ako ng tatlong termino bilang Konsehal sa Distrito 2. Nang mahati ang aming distrito dahil sa laki nito at mabuo ang Distrito 5, du’n po ako tumakbo. Sa tulong at biyaya ng Panginoon, ako po ay nasa ikalawang termino na ngayon.


“Kailanman ay ‘di po ako nasangkot sa anumang tiwali o black propaganda style of politicking. Sa mga nakakakilala sa akin, alam nila na wala po akong troll army. Ako mismo ang humahawak ng aking social media.


“Nu’ng unang araw na lumabas ang mga tarpaulin na nagkalat sa ilang bahagi ng QC na ‘di man lang updated ang picture ko at halatang AI (artificial intelligence), agad po akong tumawag kay Kapitan Jojo Abad ng Batasan Hills kung saan may nakita raw na mga tarp. Pinapunta n’ya ang kanyang mga tao para tingnan at sinabi ko rin na i-retrieve ang CCTV upang malaman kung sino ang may kagagawan nito.


“Handa po akong gamitin ang Panginoon bilang saksi na wala po akong kinalaman sa mga ‘yan.


“Una, sa mga nagsasabing ‘epal’ daw ako, paano po mangyayari ‘yun kung ipinatanggal ko ang pangalan ko sa lahat ng service vehicles kahit na sa sarili kong bulsa galing ang pambili ng ilan du’n?


“Pangalawa, sa lahat ng mga projects ko, ‘di ko na rin inilalagay ang pangalan ko. So

does that make sense?


“Mukhang maaga po ang demolition job ninyo laban sa akin. Naglabas na po ako ng official statement para linawin ang lahat, pero kung may ilan pa ring hindi naniniwala, wala na po akong magagawa doon. I can’t please everyone.


“Kung ang tanong po ay ano ang credentials ko bilang leader, maaari ninyong puntahan ang Aiko Melendez QC page para makita kung ako ba ay pabaya. At para naman sa aking legislative work, na s’yang pangunahing trabaho ng isang councilor, maaari po ninyo itong tingnan sa QC website. And modesty aside, ako po ang most awarded councilor sa QC to date.”


Inamin din ng konsehala na maraming nangmamaliit sa kanya, bagkus ay pinagbubuti niya ang kanyang serbisyo para sa mga nangangailangan.


Aniya, “Sa mga nangmamaliit sa aking kakayahan, ayaw ko na sana magsalita. Ngunit kapag alam kong tama ako, ipaglalaban ko po iyon hanggang huli.


“Lahat ng personal na birada ay sinasalo ko na lamang. May nagsasabi pa nga na ‘laos’ na raw ako. Kung laos po ako, bakit ninyo ako pinapabanatan sa mga trolls ninyo? Dapat nga po ay ‘wag na ninyo akong pag-aksayahan ng oras, ‘di po ba?


“At higit sa lahat, wala po akong issue sa trabaho ko bilang konsehal. Du’n ninyo po ako tingnan. Minsan, kailangan ko ring lumaban at ‘di na lamang manahimik.


“Kaya sa mga nagpopondo ng trolls laban sa akin, sa iba na lamang po ninyo ibigay ang budget na ‘yan. Mas mabuti pa sigurong itulong na lang sa mga nangangailangan. Marami pa pong nagugutom at walang pambili ng gamot ang tunay na makikinabang du’n.”


Halatang-halata naman kung sino ang may pakana nito. Yes, may ideya po kami kung sino sila.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page