Atomic Bomb at Jaguar paborito sa Juvenile Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |September 10, 2022
Nominado sina Atomic Bomb at Jaguar sa magaganap na Road To Juvenile Stakes Race na ikakasa sa Setyembre 18 San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Bukod kina Atomic Bomb at Jaguar, nagdeklara rin ng pagsali sa distansiyang 1,300 meter race ang mga tigasing kabayo na sina Distorted Julliane, Love Radio, Malibu Bell, Rough Cut at Secretary.
Sasakyan ni Pabs Cabalejo si Atomic Bomb habang si Mark Angelo Alvarez ang rerenda kay Jaguar sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nakalaan ang guaranteed prize na P500,000 kung saan P300,000 ang hahamigin ng unang kabayong tatawid sa meta habang P100,000 ang ibubulsa ng pangalawa.
Kukubrahin ng 3rd placer ang P50,000 at tig- P25,000, P15,000 at P10,000 ang 4th hanggang 6th ayon sa pagkakasunod.
Magsusubi rin ng P25,000 ang breeder ng winning horse habang tig-P15,000 at P10,000 ang second at third. Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, mahuhusay ang mga nominado at may nagsabing siguradong magpapakitang-gilas si Malibu Bell na gagabayan ni dating Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez.
"Magagaling ang mga batang kabayo ngayon, kaya sigurado magandang laban ang masisilayan natin sa lineup ng Road to Juvenile Stakes Race," saad ni Jericho Villegas, veteran karerista.
Samantala, bukas na ang labanan ng 2022 PHILRACOM Sampaguita Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City.





Comments