top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Atake nina Harris, Booker at Ingram, nangibabaw

  • BULGAR
  • Mar 25, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 25, 2021




Hawak pa rin ng Philadelphia 76ers ang solong liderato ng NBA Eastern Conference sa kabila ng paghabol ng Brooklyn Nets. Nilampasan ng 76ers ang hamon ng Golden State Warriors, 108-98, para sa kartadang 31-13 panalo-talo.


Mula sa 96-96 na tabla, nagsabog ng siyam na magkasunod na puntos ang 76ers at hindi na nakapalag ang Warriors na wala si Stephen Curry dahil masakit ang buto sa gulugod. Nanguna sa atake sina Tobias Harris na may 25 puntos at 13 rebound at Ben Simmons na may 22 puntos.


Naunang natapos ang panalo ng bisitang Brooklyn Nets sa Portland Trail Blazers, 116-112, kung saan parehong nawala ang shooting ng dalawang panig sa huling 2:30. Mag-isa muling itinaguyod ni James Harden ang Nets sa kanyang 25 puntos at 17 assist matapos magpaiwan si Kyrie Irving para samahan ang kanyang pamilya at hindi pa naghilom ang pilay ni Kevin Durant.


Tumibay ang kapit ng Phoenix Suns sa pangalawang pwesto sa Western Conference matapos palamigin ang Miami Heat, 110-100. Tumira ng 23 puntos si Devin Booker at double-double si Deandre Ayton na 17 puntos at 16 rebound.


Pinadapa ng New Orleans Pelicans and lumpong defending champion Los Angeles Lakers, 128-111. Isa sa mga ibinigay ng Lakers sa Pelicans bilang kapalit ni Anthony Davis noong 2019, binawian ni Brandon Ingram ang kanyang dating koponan at gumawa ng 36 puntos at tinulungan siya ni Zion Williamson na may 27.


Bumanat agad sina Jamal Murray, Nikola Jokic at Will Barton sa first quarter pa lamang para madaling talunin ng Denver Nuggets ang Orlando Magic, 110-99. Triple double si Jokic na 28 puntos, 15 rebound at 10 assist habang 21 si Murray.


Dinurog ng New York Knicks ang Washington Wizards, 131-113. Nagbagsak ng 37 puntos si Julius Randle at sinundan ni RJ Barrett na may 21.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page