top of page
Search
  • BULGAR

Astiging Iraq malupet vs. PHL booters, 5-0

ni Anthony Servinio @Sports | March 28, 2024





Itinatak muli ng bisitang Iraq ang kanilang kalidad sa 5-0 tambak sa Philippine Men’s Football National Team sa pagpapatuloy ng 2026 FIFA World Cup Qualifiers Grupo F Martes ng gabi sa harap ng 10,014 tagahanga sa Rizal Memorial Stadium. Sa gitna ng mapait na resulta ay nanatiling positibo at palaban si Coach Tom Saintfiet na makakapasok pa rin ang mga Pinoy sa pinakamalaking torneo sa daigdig.

   

Maagang nakahanap ng butas ang Iraq at ginawaran sila ng penalty kick na walang kabang ipinasok ni Aymen Hussein sa ika-14 minuto. Sinundan ito ng malapitang sipa ni Amir Al-Ammari sa ika-30 at kinolekta ni Hussein ang kanyang pangalawang goal sa ika-36 para itakda ang halftime sa 3-0.

       

Nagbalasa ng manlalaro ang Pilipinas subalit hindi pa rin nakalikha ng goal. Kinumpleto nina Zidane Iqbal (62’) at Zaid Tahseen (77’) ang dominasyon ng mga bisita para sa malinis na pang-apat na panalo at siguradong upuan sa Round Three sa Setyembre.


Humingi ng paumanhin sa publiko si Coach Saintfiet na inamin na ito ang pinakamalaki niyang talo sa lahat ng antas ng Football na hinawakan niya. Pagkatapos ng laro ay sumama siya sa koponan na umikot sa Rizal Memorial upang magpasalamat sa mga nanood.

       

Kasabay ng pulong balitaan ay nalaman na nagwagi ang Indonesia sa Vietnam, 3-0. Dahil dito, tumibay ang hawak ng mga Indones sa pangalawang puwesto na may 7 puntos subalit naniniwala si Coach Saintfiet na mahahabol nila ito kung magwawagi kontra Indonesia at Vietnam sa Hunyo sabay walis ng Iraq sa grupo.

        

Hahatiin ni Coach Saintfiet ang panahon mula ngayon hanggang Hunyo sa paghanap ng mga manlalaro sa tumatakbong UAAP at sa Philippines Football League na magbubukas sa Abril 6. Lalakbay din siya upang makipag-ugnayan sa mga Filipino na naglalaro sa mga liga sa ibayong-dagat.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page