top of page

Aspiranteng naghain ng COC, nasa 43,033

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 11, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 11, 2024



Boses by Ryan Sison

Hindi na kataka-taka sa lahat na kapag sumasapit ang panahon ng halalan ay marami ang nagpapahayag ng kanilang kagustuhang maglingkod sa bayan.


Ayon sa Commission on Elections (Comelec), umabot na sa 43,033 aspirants para sa national at local posts ang naghain ng kanilang mga certificate of candidacy (COCs) at certificate of nomination – certificate of acceptance of nomination (CON-CANs) mula October 1 hanggang 8.


Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia sa isang press conference, na nasa 33,652 o 78.20 porsyento ng mga aspirants sa 2025 midterm election ay pawang mga lalaki habang 9,381 o 21 porsyento ay mga babae.


Aniya, 183 ang naghain ng COC para sa Senado, kung saan ang bilang na ito ay mas mataas kumpara sa 153 nag-file noong 2019 midterm elections, at sa 176 aspirants sa 2022 polls.


Sa kabilang banda, umabot naman sa 190 ang bilang ng CON-CAN na isinumite ng mga partylist group. 


Binanggit din ni Garcia na sa 160 partylist groups na naghain ng kanilang manifestation of intent to participate ay 155 ang nagsumite ng kanilang CON-CANs. 


Dahil dito aniya, magkakaroon lamang ng 155 partylist na isasama sa mga official ballots.


Gayundin, dahil pag-aaralan pa ang naturang listahan para sa deklarasyon at tuluyang pagkakatanggal ng mga nuisance candidate, ayon sa Comelec chief tiyak na bababa pa ang bilang nito.


Pahayag naman ni Garcia na ang pinal na bilang ng lahat ng national at local candidates ay malalaman sa December 2024.


Masasabing napakaingay talaga ng pulitika sa ating bansa dahil halos lahat ay nagiging aktibo sa mga nangyayari at kaganapan mapa-social media, telebisyon at radio.


Kumbaga, ang mga mamamayan ay ayaw pahuli at gustong mabatid ang lahat ng mga kakandidato sa eleksyon.


Ang medyo nakakatuwa lamang dito ay napakaraming nais na tumakbo sa pulitika na umabot ng libu-libong aspirante ang naghain ng kanilang COC.


Hindi naman kasi ipinagbabawal ang pagpa-file ng kandidatura dahil kahit sino ay pupuwede.


Hiling lang natin sa mga kandidato na sana ay talagang pairalin ang tunay na paglilingkod sa ating mga kababayan, gayundin, ilatag ang nararapat na plataporma na makatutulong para umunlad ang ating bayan. 


Isipin din sana lagi na bilang mga lingkod-bayan ay dapat na mas unahin ang kapakanan at ikabubuti ng mga mamamayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page