top of page
WINNER - MALE FAN, NAG-PROPOSE KAY ALEX EALA SA HARAPAN NG PADIR_FB Alex Eala.jpeg

Aso at pusa, hindi rin ligtas… Kahit walang sugat, puwedeng magka-leptospirosis!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 4 min read

ni Mabel Vieron @News / Lifestyle | August 30, 2026



Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinakamataas na honorary degree ng PLM - PBBM FB

Photo: Agad nagkasa ng rescue operations ang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) sa isang pamilya at kanilang mga alagang aso, na naipit sa biglaang pagtaas at pagragasa ng tubig-baha na may kasamang putik sa Otero Avenue, Brgy. Mabayuan, Olongapo City sa kasagsagan ng walang tigil na buhos ng ulan bunsod ng habagat at namumuong bagyo. (Jeff Tumbado) 



  • Pananakit ng kalamnan at katawan

  • Pamumula ng mga mata


Nakakaalarma ang banta ng leptospirosis ngayong tag-ulan, lalo na ngayong sunud-sunod na pag-ulan at pagbaha sa maraming bahagi ng bansa.


Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), 5,486 kaso ng leptospirosis ang naitala sa buong bansa mula Enero 4 hanggang Agosto 26, 2026. Bagama't mas mababa ito ng 23% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, nananatiling seryoso ang banta ng sakit, lalo na dahil maaaring dumami ang kaso matapos ang malawakang pagbaha.


Sa Metro Manila lamang, 521 kaso na ang naitala sa mga ospital ng DOH. Samantala, umabot na sa 157 pasyente ang na-admit sa San Lazaro Hospital dahil sa leptospirosis at 13 na ang namatay, ayon sa mga ulat.

Kaya, mga Ka-BULGAR, hindi ito simpleng sakit na dapat balewalain.


ANO NGA BA ANG LEPTOSPIROSIS?

Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na dulot ng Leptospira. Karaniwan itong kumakalat sa pamamagitan ng tubig o lupang kontaminado ng ihi ng infected na hayop, partikular na ng daga. Mas mataas ang panganib kapag lumusong o nagkaroon ng contact sa baha na maaaring kontaminado.


Maaari itong makapasok sa katawan sa pamamagitan ng:

  • Sugat, gasgas o galos sa balat

  • Mata, ilong o bibig

  • Pag-inom ng kontaminadong tubig


At hindi porke walang sugat ay ligtas na agad. Maaari pa ring magkaroon ng panganib depende sa uri at tagal ng exposure at kung saan nagkaroon ng contact sa kontaminadong tubig.


Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng leptospirosis ang:

  • Biglaang lagnat

  • Matinding pananakit ng ulo

  • Panginginig

  • Pagsusuka o pagtatae

  • Paninilaw ng balat o mga mata

  • Pagbabago sa kulay ng ihi o pagkakaroon nito ng dugo


Kapag hindi agad naagapan, maaari itong humantong sa malubhang komplikasyon na maaaring makaapekto sa bato, atay at respiratory system, at maaari ding mauwi sa kamatayan.


Samantala, puwede ring maapektuhan ang ating mga alagang aso at pusa.

Mga Ka-BULGAR, hindi lang tao ang kailangang mag-ingat sa leptospirosis. Maaari ding magkaroon ng leptospirosis ang ilang alagang hayop, kabilang ang mga aso at pusa.

Gayunman, hindi lamang daga ang maaaring pagmulan ng Leptospira. Maaari ding ma-expose ang mga alagang hayop kapag nakalanghap, o nakasalamuha sila ng kontaminadong tubig o kapaligiran.


Kaya kung ang inyong aso o pusa ay nakalubog sa baha o nakapaglaro sa lugar na maaaring kontaminado, mag-ingat sa paghawak sa kanilang ihi o iba pang body fluids, lalo na kung may sugat o galos sa balat.


Kung may napansing kakaibang sintomas o pagbabago sa kondisyon ng inyong alaga matapos ma-expose sa baha, ipatingin agad sa beterinaryo. Huwag ding basta magbigay ng gamot nang walang payo ng beterinaryo.


Mahalaga rin ang regular na veterinary checkup at, para sa mga aso, pagtatanong sa beterinaryo tungkol sa naaangkop na leptospirosis vaccination.

Dahil hindi lang tayo ang kailangang protektahan ngayong tag-ulan, pati ang mga alaga nating bahagi ng pamilya.


PAANO NGA BA MAKAKAIWAS SA LEPTOSPIROSIS?

  1. IWASANG LUMUSONG SA BAHA. Kung hindi talaga maiiwasan, magsuot ng protective gear gaya ng bota at gloves. Tandaan, maaaring kontaminado ng Leptospira ang floodwater.

  2. PANATILIHING MALINIS ANG PALIGID.Linisin ang mga tambakan ng basura, baradong kanal at iba pang lugar na maaaring pamahayan ng daga.

  3. IWASANG DUMAMI ANG DAGA SA BAHAY. Siguraduhing maayos ang imbakan ng pagkain, itapon nang tama ang basura at takpan ang mga butas o siwang na maaaring pasukan ng daga.

  4. UMINOM NG LIGTAS AT MALINIS NA TUBIG. Iwasan ang tubig na maaaring kontaminado, lalo na pagkatapos ng pagbaha.

  5. MAGLINIS PAGKATAPOS MA-EXPOSE SA BAHA. Maligo agad gamit ang sabon at malinis na tubig. Kung may sugat o gasgas, linisin ito nang maayos.

  6. PROTEKTAHAN DIN ANG MGA ALAGANG HAYOP. Iwasang palabasin o palusungin sa baha ang mga aso at pusa. Kung na-expose sila sa baha, linisin sila nang maayos at kumonsulta sa beterinaryo kung may napansing kakaibang pagbabago sa kanilang kondisyon.

  7. MAGPAKONSULTA AGAD KUNG MAY SINTOMAS. Kung ikaw ay lumusong sa baha at nakaramdam ng mga sintomas na kahawig ng leptospirosis, huwag nang hintaying lumala ang kondisyon bago magpatingin. Mas mahalaga ang maagang pagkonsulta at paggamot.


MAY GAMOT BA SA LEPTOSPIROSIS?

Oo. May mga antibiotic na ginagamit para gamutin ang leptospirosis, ngunit ang tamang gamot at dosage ay dapat nakabatay sa assessment ng health professional.

Mayroon ding post-exposure prophylaxis para sa ilang taong na-expose sa floodwater, depende sa assessment ng doktor. Hindi ibig sabihin nito na dapat basta-basta uminom ng antibiotic nang walang payo ng health professional.


Kaya, mga Ka-BULGAR, huwag mag-self-medicate. Kung may exposure sa baha at nakararanas ng sintomas, magpakonsulta agad.


Ngayong patuloy ang pag-ulan at marami pa ring lugar ang maaaring makaranas ng pagbaha, mas mahalagang maging alerto.

Hindi sapat na isipin nating “baha lang ‘yan.”


Sa likod ng maruming tubig ay maaaring may bacteria na hindi natin nakikita. At kapag napabayaan, maaari itong humantong sa malubhang komplikasyon at maging sa kamatayan.


Kaya, iwasan ang baha kung kaya, maglinis agad kung na-expose, protektahan pati ang mga alagang hayop, at magpakonsulta kapag may sintomas.

Huwag hintaying maging huli ang lahat.


Sa leptospirosis, mas mabuting maagap kaysa magsisi sa huli! Oki? Keep safe, Ka-BULGAR! 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page