Asero, masusubok ang tibay kontra Russian Potapov
ni Gerard Arce - @Sports | November 24, 2022

Makikipagbangasan ng mukha si Filipino promising boxer Vincent “Asero” Astrolabio laban sa matibay na Russian brawler Nikolai Potapov para sa importanteng International Boxing Federation (IBF) bantamweight World title eliminator sa Disyembre 17 sa Las Vegas, Nevada.
Tiwala si trainer/coach Nonoy Neri sa kakayanan at kahusayan ng 25-anyos na tubong General Santos City na kasalukuyang World-ranked No.6 ng IBF na sasabak sa importanteng parte ng kanyang karera sa boksing kontra sa ranked No.3 na dating WBA Asia 118-pound titlist.
Tinutukan ng husto ni Neri ang preparasyon at paghahanda ni Astrolabio na may limang sunod na panalo, kabilang ang tagumpay kay dating world champion Guillermo “The Jackal” Rigondeaux noong nagdaang Pebrero sa Dubai. “That was a really good win over a very talented, complicated boxer. Now, we are ready to win an even more important battle,” wika ni Neri, na isa sa mga kilalang trainer ng nag-iisang eight-division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao.
Sakaling magtagumpay si Astrolabio (17-3, 12 KO’s) kontra sa delikadong si Potapov (23-2-1, 11KOs), na may three-fight winning streak, mabibigyan ng pagkakataon ito na makalaban si undefeated bantamweight king Naoya “Monster” Inoue ng Japan.
Nakatakdang sumabak ang 29-anyos na Japanese undefeated boxer laban kay WBO champion Paul Butler sa Disyembre 13 sa Ariake Arena sa Tokyo Japan para sa undisputed title.





Comments