Arraignment ni VP Sara, 'di naman natuloy

by Jeff Tumbado @News | October 10, 2026

Photo: Sara Duterte - FB
Muling ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang arraignment ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng kanyang tatlong kasong grave threats.
Kinumpirma ito ng abogado ng Bise Presidente na si Paul Lawrence Lim matapos personal na humarap si Duterte sa korte.
Alas-8:27 ng umaga nang dumating si Duterte sa QC Hall of Justice at alas-9:06 ng umaga naman nang umalis sa pasilidad ang opisyal.
Ito na ang ikalawang pagkakataong naurong ang pagdinig kung saan orihinal na itinakda ang arraignment noong Setyembre 11, ngunit inilipat ito sa Oktubre 9.
Ayon kay Lim, pinag-aaralan pa ng hukuman ang nakabinbing mosyon ng kampo ni Duterte para sa partial reconsideration ad cautelam, gayundin ang kanilang nakabinbing petisyon para sa certiorari sa Korte Suprema.
Dagdag pa niya, minabuti ng presiding judge na pag-aralan muna ang mga naturang usapin bago itakda muli ang pagdinig.
Sa isang ambush interview matapos humarap sa korte, nagpasalamat naman ang Bise Presidente sa kanyang mga tagasuporta at sa kanyang legal team.
“Nagpapasalamat ako sa mga kaibigan at sa mga supporters sa kanilang patuloy na suporta sa akin at patuloy na pagtitiwala sa akin,” pahayag ni Duterte.
Nagpasalamat din siya sa kanyang mga abogado dahil sa masigasig na pagtatanggol sa kanya sa kasong grave threats na kinakaharap niya sa Quezon City RTC.





Comments