ARCI, NAWALA ANG MALETA SA MALDIVES, 1 PANTY LANG ANG SUOT SA BUONG LINGGO
ni Julie Bonifacio @Winner | February 5, 2024

Nawala ang maleta ni Arci Muñoz papunta ng Maldives para sa shoot ng movie nila nina Kiray Celis at Janelle Tee, ang Malditas in Maldives mula sa NDM Studios ng award-winning director na si Njel de Mesa.
Nagkataon pa na may sakit si Arci nu’ng lumipad siya papuntang Maldives from another country naman kung saan may business trip siya. Kaya ganoon na lang ka-down si Arci when she arrived sa set ng Malditas in Maldives.
Nasa maleta kasi lahat ng casual dress at outfits niya para sa shoot. Mabuti na lang daw, may naitabi siyang underwear sa kanyang hand-carry bag, dahil kung wala, isang underwear lang ang suot niya sa one-week shoot nila sa Maldives.
Kuwento ni Arci, “Buti na lang po, sanay kaming mag-travel. So usually, sa hand-carry, naglalagay talaga ako ng extra shirt, extra underwear, pang-emergency.
“Buti na lang may dala kaya ako. So, kapag suot ko, lalabhan ko. The next day, susuotin ko ulit. Ang hirap, grabe! Kaya nanghiram na lang ako ng ibang damit.”
Pati raw si Direk Njel ay nawala rin ang maleta. Pero may mga dala raw itong bagong t-shirt for his production at ‘yun ang ibinigay niya kay Arci.
“Tapos, ‘pag lalabas kami ni Mama, bibili kami, para doon lang sa two days. Kasi for the rest of the days, hindi kami lumalabas, kasi nga, masama pa ang pakiramdam ko. Si Mama, bumili ng mga Maldives na t-shirts. Kasi nga ‘pag kakain, kailangang lumabas. Kailangan nila akong pilitin na lumabas para kumain para gumaling agad ako. So, ‘yung undies talaga, everyday nilalabhan ko,” kuwento pa ni Arci.
With regards naman sa mga outfit na gagamitin niya for the shoot, mabuti na lang daw at may mga dalang bagong extra swimwear si Kiray na may mga tag pa kaya pinapili raw siya roon ng co-star na ginamit niya sa shoot.
Arci plays the character of Anais Escudero sa Malditas in Maldives.
Ayon kay Arci, “Artista siya, socialite, tapos naging vlogger, may asawang pulitiko. Tapos, medyo nag-lay low sa pag-aartista kasi nawalan ng franchise ang network kaya nagba-vlog na lang ako. Tapos ‘yun nga, ipinapakita ko ang lifestyle ko, pagta-travel ko.
“Tapos, may darating na asungot doon, si Kiray (Celis), ‘tong malditang vlogger. Sana, walang ganyan sa totoong buhay, hehe, na kagaya ng karakter ni Kiray sa movie.
“And then, sinundan niya (Kiray) ako. Tapos, umuulit ang araw namin sa Maldives. Ang matututunan dito ay ‘yung bakit umuulit ‘yung araw namin sa Maldives. Ano’ng dahilan? So, ‘yun ang aabangan sa ending.”
Sa May ipapalabas ang Malditas in Maldives sa Japan. Official entry kasi ito sa Jinseo Arigato International Film Festival sa Japan on May, 2024.
Samantala, gagampanan naman ni Kiray ang role ni Padma at si Janelle Tee bilang si Kimble.
Ang kuwento sa tatlong matataray na vloggers na ayaw magpakabog sa isa't isa hanggang malaman nilang paulit-ulit ang buhay nila sa mala-paraisong South Palm Maldives ang istorya ng movie.
Ang award-winning writer and director na si Direk Njel ang sumulat, nag-produce at nagdirek ng Malditas in Maldives.





Comments