- BULGAR
Aray ko! Prangkahan na 'to, Aljur! JERIC KAY AJ: MAGANDANG LALAKI LANG 'YAN, WALA KANG FUTURE D'YAN
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | August 26, 2022

Sa edad ni Jeric Raval na 48 sa Setyembre 30 ay wala na raw siyang planong dagdagan pa ang 18 niyang anak. Hinto na siya sa disi-otso.
Nakapanayam si Jeric sa ginanap na private screening ng pelikulang Sitio Diablo na pinagbidahan ng anak niyang si AJ Raval kasama ang isa pang anak niya na si Ace Raval.
Aniya, “At my age, kung magdaragdag pa ako ng anak, eh, paglaki niya, sino ang magso-shoulder ng responsibilidad niya? Matanda na ako.”
Sa 18 na anak ay tatlo ang nabanggit ni Jeric na nagre-recording na sa Viva Records, si Ace na kasama sa Sitio Diablo ay rapper, at sina Aina at Janina. Pag-aartista naman ang linya nina JK at AJ.
“Baka i-build-up siya (AJ) sa action din kasi mas bagay daw sa kanya ang action, sabi nina Boss Vic (del Rosario),” sambit ng aktor.
Samantala, natanong ni TV Patrol reporter Mario Dumaual kung ano ang reaksiyon nito sa mga lumabas na isyu lately kay AJ na buntis at pinagpipiyestahan ngayon ng mga Marites.
“Eh, di maraming salamat sa kanila at napapansin nila ang anak ko. Alam mo ‘yang mga ‘Marites,’ importante rin ‘yan! Kung wala nang Marites sa buhay mo, mag-isip-isip ka na,” sabi ng tatay ng sexy star.
"Magiging lolo ka na," birong kantiyaw kay Jeric.
“Hahahaha! Wala ‘yun, lagi naman akong nagiging lolo, eh, hahaha! Saka, iisa naman ang tirahan namin niyan kapag nandito ako sa Quezon City. Sa akin umuuwi ‘yan at kapag nasa Pampanga kami, kami-kami rin ang magkakasama.”
Dagdag pa niya, “Nakikita ko naman lagi ang anak ko. Siyempre, kung mayroong unang makakaalam niyan, siyempre, ako, dahil lagi kong nakikita ‘yan.”
Hindi naman daw naapektuhan si AJ sa isyung buntis, pero laging pinangangaralan ni Jeric ang anak at pagdating sa love life ay hindi na nito pinakikialaman pa si AJ.
“Gusto ko man siyang higpitan at iyon naman ang gusto niya ay wala naman akong magagawa dahil hindi ko naman 24 hours kasama ‘yung anak ko, eh.
“Pinapayuhan ko na lang siya na huwag muna siyang mag-focus sa ganyan (magdyowa). 'Mag-focus ka sa trabaho mo, sa career mo.'
“Siyempre, ang pag-aasawa nang maaga… dahil 21 (anyos) lang siya, saka kung nandoon ka sa peak ng career mo, eh, mawawala ka. Alam ko na ‘yun kasi dinaanan ko ‘yan, eh. Madalas kong sinasabihang '‘Wag ‘yan, anak!'” paliwanag ng aktor.
Dagdag-katwiran pa, “Hindi naman. May ibang nanligaw pa nga sa kanya na sabi ko, ‘Huwag ‘yan, anak, magandang lalaki lang ‘yan, wala kang future diyan.' Hindi naman ako ganu’n kahigpit kasi para magsalita sa ‘yo o magkuwento ang anak mo, dapat, huwag mong masyadong sinasakal.
“Kasi kapag masyado mong sinakal, baka may problema na ‘yan, ayaw pang magsalita kasi baka pagalitan mo lang, siya pa masisi. Kaya ang relasyon namin ng mga anak ko, para lang kaming magbabarkada, mapa-babae o mapa-lalaki. Kaya kapag nag-uusap kami, masyadong kaswal lang at halos lahat ng pag-uusap namin ay nangyayari sa dinner.”
Anyway, maraming nagulat sa pagsipot ni Jeric sa private screening ng Sitio Diablo dahil unang beses siyang nanood ng pelikula ni AJ na lagi niyang sinasabi na ayaw niyang panoorin lalo na kung may love scenes.
Ang sabi raw kasi ni AJ sa kanya, “Sabi niya, magmo-malling kami, eh.”
At wala na siyang nagawa nang sabihing pupunta sila sa private screening ng pelikula ng mga anak na ginanap sa Gateway Cinema 7 nitong Miyerkules at ngayong araw, Biyernes (Agosto 26) naman mapapanood sa Vivamax, handog ng Viva Films na idinirek ni Roman Perez, Jr..
Pero mukhang iniiwas kay Jeric ang mga love scenes ni AJ dahil hindi niya ito napanood.
“Ito ang nangyari, tuwing may bed scene, nagri-ring ang phone ko kasi mayroon kaming patay (lola ni AJ). So, kailangan kong bumaba. Sa tuwing pagpasok ko ng sinehan, tapos na ‘yung eksena. Kaya ang napapanood ko lang (ibang eksena na).”
“Pero if ever, puwede ko namang takpan ang mga mata ko. Pero nandiyan na ‘yan, eh. Noong una talaga, hindi ko siya (AJ) sinusuportahan sa ganyan dahil ako, ang tagal kong nag-artista, lahat ng bed scene ko, medyo maingat ako,” pahayag ng ama ni AJ.
Isa si AJ sa mga in demand sa Vivamax at ang reaksiyon ng tatay niya, “'Yun ang kalakaran ngayon. Proud naman (ako) siyempre, anak ko ‘yan at natutuwa naman ako na nabigyan siya ng break ng Viva dahil hindi naman lahat ay nabibigyan ng ganu’ng break, lalo’t agad-agad (sumikat). Ang bilis din, parang ako noong araw nu'ng mag-artista ako, first movie ko, starring role agad at unang pelikula ko, kumita kaagad.”
Kung mabibigyan ng pagkakataon ay pangarap ni Jeric na makatrabaho ang mga anak niya pero walang sexy scenes o love scenes dahil gusto nito ay family drama na mala-Seven Sundays.
“Ang gusto ko (sana), family-oriented, parang ‘yung Seven Sundays, something like that. Puwede ring action,” saad ng aktor.
Ang pelikulang Seven Sundays ay family drama na tungkol sa magkakapatid na sina Aga Muhlach, Enrique Gil, Cristine Reyes at Dingdong Dantes na walang panahon sa ama nilang si Ronaldo Valdez kaya iyon ang wish niya na sana ay makapiling niya ang mga anak bago siya mawala sa mundo, mula sa direksiyon ni Cathy Garcia-Molina noong 2017 at prodyus ng Star Cinema.
Kasama rin sa Sitio Diablo sina Kiko Estrada, Because, Cean Jr., Benz Sangalang, Massimo Scofield, Karl Aquino, Alvaro John Oteyza, Shiena Yu, Ace Raval, Sujin Kwon, Alona Navarro, Sahil Khan, Pio Balbuena at Joko Diaz.