top of page
Search
  • BULGAR

Araw ng Kagitingan

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 09, 2021



Ang Araw ng Kagitingan na kilala rin bilang ‘Day of Valor’ at ‘Bataan Day’ ay pambansang araw na regular nating ginugunita dahil sa pagbagsak ng Bataan noong ikalawang digmaang pandaigdig.


Isa itong holiday sa ating bansa na ipinagdiriwang tuwing ika-9 ng Abril upang gunitain ang sakripisyo, katapangan at pagmamalasakit ng ating mga kababayan noong panahon ng digmaan.


Bukang liwayway noong Abril 9, 1942 makaraan ang humigit-kumulang sa tatlong buwang pakikipaglaban sa Bataan ay isinuko ni Major General Edward King, Jr. ng Estados Unidos at pinuno ng puwersa ng Luzon ang mahigit-kumulang sa 76,000 sundalo sa puwersa ng mga Hapon.


Nasa 67,000 ang bilang ng sundalong Pilipino, 1,000 ang Tsinoy, at 11,796 naman ang Amerikanong sundalo na noon ay magkakalyado na pawang nagugutom at nagkakasakit na bago pa sinamsam lahat ng kanilang kagamitan ng mga Hapones.


Ang mga bilanggo ng digmaan ay sapilitang pinaglakad ng may 140 kilometro na tinawag na ‘Martsa ng Kamatayan sa Bataan’ patungo sa Kampo ng O’Donnel sa Capas, Tarlac at sa huling yugto ay pinagsiksikan pa sila sa mga bagon ng tren patungo sa kulungan.


Dahil sa grabeng hirap na kanilang naranasan ay nasa 54,000 lamang ang mga sundalong bihag na umabot ng kulungan na siya nating ginugunita ngayon tuwing sasapit ang Araw Ng Kagitingan.


Halos ganito rin ang hirap na dinaranas ng ating mga frontliner na sa kabila ng banta ng kamatayang dala ng COVID-19 ay patuloy nilang ibinubuwis ang kanilang mga buhay maisalba lamang ang mas marami pang buhay.


Kung noong World War II ay ginugunita natin ang kabayanihan ng ating mga sundalo ay karapat-dapat din nating bigyang-pugay ang pakikidigma ng ating mga frontliner laban sa hindi nakikita, ngunit nakamamatay sa kalaban.


Isang taon na tayong nasa gitna ng digmaan laban sa pandemyang ito at napakarami na nang nasawi hindi lang sa hanay ng pulisya kung hindi maging sa hanay ng mga health workers at ng kani-kanilang pamilya.


Ilang halal na opisyal na ba ang binawian ng buhay dahil sa pagtugon lamang sa tawag ng kanilang tungkulin at hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nakakasiguro ng panalo sa pakikidigma nating ito.


Bukod sa mga health workers ay dapat din nating gunitain ang pagsagupa ng marami sa ating mga guro na itinataya rin ang kani-kanilang buhay para maihatid lamang ang kaalaman para sa mga mag-aaral.


Hindi nila alintana ang kahinaan ng serbisyo ng internet sa ating bansa na bukod sa napakamahal ay napakabagal pa pero patuloy sila sa pagtupad sa kanilang tungkulin bilang isang guro.


Ganun din ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na wala pa ang pandemyang ito ay itinuturing na nating bayani dahil hanggang sa kasalukuyan ay isa sila sa mga dahilan kung bakit kahit paano ay pumapalo ang ating ekonomiya dahil sa kanilang remittances.


Ang mga manggagawa ay dapat din nating alalahain sa araw na ito dahil nadagdagan pa ang kanilang paghihirap tungo sa kanilang trabaho dahil sa umiiral na community quarantine.


Marami sa manggagawa ang kinakailangan pang maglakad ng malayo, ang iba ay naobligang gumamit ng bisikleta para lamang makarating sa kanilang pinapasukan upang makapaghanapbuhay para sa kani-kanilang pamilya.


Alalahanin din ang marami nating kababayan na nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemyang ito dahil nagsipagsara ang kani-kanilang pinapasukan, ngunit hindi sila sumuko at pinilit pa ring kumita sa malinis na paraan sa halip na maging pabigat sa pamahalaan.


Lahat sila ay maituturing nating mandirigma, tunay na dugong bayani ang nananalaytay sa kanilang mga ugat na hindi basta nagagapi ng kahit anong pagsubok sa anumang pagkakataon at dapat kasama sa mga ginugunita sa Araw Ng Kagitingan.


Kaya sa mga kababayan natin na nagpapalusot at tumatanggi pang sumunod sa ipinatutupad na health protocol, sana ay lingunin n’yo naman ang hirap ng marami sa atin para mailigtas lamang tayo sa pandemyang ito.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page