top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

Aprub sa mamamayan at kapulisan ang paggamit ng body cameras sa mga operasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 8, 2020
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 8, 2020



Nanawagan si Sen. Francis Pangilinan na ipasa na ang Senate Bill 427 o ang Body Camera Act para mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang publiko sa mga maaaring pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga awtoridad tulad ng pagtatanim ng ebidensiya o ang pagpatay ng mga suspek.


Ayon sa batas, dapat buksan ang mga body cameras bago pa magsimula ang anumang operasyon ng kapulisan. At nagbibigay din ito ng proteksiyon sa mga pulis para patunayang legal at tama ang kanilang kilos bilang tagapagpatupad ng batas.


Matagal na dapat itong ipinatupad ng PNP. Ilang hepe ng PNP na ang lumipas, wala pa tayong alam na operasyon kung saan gumamit sila ng body cams kahit matagal na itong pinag-uusapan. Ang mga CCTV pa ang nakakahuli ng mga pang-aabuso.


Noong Oktubre, hinihintay na lang ng PNP ang delivery ng 2,600 body cams. P287 milyon ang budget ng PNP para sa mga ito. Isinailalim ang ito sa testing noong Oktubre 12, 2020. Ang mga ‘anti-drug operatives’ ang unang tatanggap. Ilang operasyon kontra ilegal na droga na ang nababalitaan natin pero wala tayong naririnig hinggil sa paggamit ng mga body cams. Kaya nananawagan na si Sen. Pangilinan na ipasa na ang batas.


Hindi natin masisisi kung iisipin nating sadyang inaantala ng PNP ang paggamit ng body cams. May mga nakaraang okasyon kung saan hindi sinunod ng pulis ang tama at legal na proseso sa kanilang operasyon. Kung tama ang paggamit ng body cams, kung kailan iyon ay makikita lahat ng kanilang kilos. Maliban na lang kung may mga dahilang lilitaw tulad ng naubos ang baterya, nagalaw ang camera at hindi na sa harap nakaturo, nalaglag, nasira at kung ano pa. Para sa proteksiyon ng publiko at pati na rin ng mga pulis, patuparin na ang paggamit ng body cams.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page