top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Aprub sa FDA ang Lagundi at virgin coconut oil kontra COVID-19!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 4, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 4, 2020



Hindi lamang Russia at China ang kasalukuyang nagkukumahog para sa phase 3 ng kanilang clinical trial dahil may sampung bansa pa ang kasalukuyang nakikipag-ugnayan na sa atin para masubukan ang nadiskubre nilang bakuna laban sa COVID-19.


Kahit sino ang mauna sa mga higanteng pharmaceutical company ay isa itong malaking pasasalamat sa sangkatauhan dahil inaasahan nating lahat na sa susunod na taon ay tiyak nang maituturok ng ligtas ang magtatagumpay na bakuna.


Pero sa panahong ito na tila sigurado na ang mga malalaking bansa hinggil sa nadiskubre nilang bakuna ay hindi naman nagpapahuli ang ating mga eksperto dahil sa ating halamang Lagundi at virgin coconut oil na panlaban din sa COVID-19.


Aprubado na umano ng Food and Drug Administration (FDA) ang virgin coconut oil at ang Lagundi bilang isa sa mga posibleng solusyon na nadiskubre sa bansa para labanan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19.


Noong una ay hindi gaanong binibigyang-pansin ang nagpapatotoo hinggil sa husay na ipinamamalas ng virgin coconut oil at iba’t ibang sakit pa ang umano’y napapagaling.


Kapansin-pansin din na halos sa lahat ng botika at bilihan ng mga herbal medicine ay makabibili ng virgin coconut oil na gawa ng iba’t ibang kumpanya na makikita sa iba’t ibang packaging kahit noong hindi pa uso ang COVID-19.


Maging ang Lagundi na dati-rati ay dinidikdik lamang at kinukuha ang katas para ipainom sa may ubo ay mabibili na sa kapsula at tableta dahil napatunayang mabisa talaga sa ubo.


Hindi lamang iisang pharmaceutical company ang naglabas ng cough syrup na gawa sa Lagundi dahil marami na sila sa merkado bago pa man kumalat ang pandemyang ito.


Ayon sa Department of Science and Technology (DOST) nasa clinical trial na rin ang Lagundi at virgin coconut oil na nakatakdang isagawa sa mga susunod na buwan sa mga piling lugar.


Sa kasalukuyan ay tiyak na, na mapapagaling ng Lagundi at virgin coconut oil ang mga may mild cases ng COVID-19 o ‘yung mga asymptomatic at hindi pa inaanunsiyo kung kaya nitong pagalingin ang mga mas malala pa matapos ang pinal na pagsasagawa ng clinical trial.


Lumalabas na halos nasa 30 katao na ang sumubok nito at sa mga oras na ito ay higit pa sa inaasahan nilang resulta ang kanilang nakamit at inaasahang sa loob lang ng ilang araw ay maglalabas na ang DOST ng analysis.


Talagang hindi nagpapahuli sa husay ang mga eksperto sa ating bayan at sumasabay tayo sa naglalakihang mga bansa sa pagtuklas ng maaaring panlaban sa COVID-19, kaya nga proud na proud tayo sa mga kababayan nating nasa likod nito.


Isa pa sa kasali sa human trial ay itong halaman ng Tawa-tawa dahil sa dami na ng mga nagpatotoo na ito ay napakahusay na panlaban sa dengue—isang sakit na nakamamatay kapag hindi naagapan dahil lamang sa kagat ng lamok.


Kapag isinugod sa pagamutan ang kumpirmadong may dengue ay inaabot ng dalawa hanggang tatlong linggo ang gamutan depende sa resistensiya ng pasyente.


Ngunit marami na ang nagpatunay na sa pamamagitan ng pag-inom ng tubig mula sa pinakuluang dahon ng Tawa-tawa ay agad na gumagaling ang may dengue sa loob lamang ng dalawa hanggang tatlong araw.


Noong una ay tinututulan ng mga doktor ang pag-inom ng pinakuluang dahon ng Tawa-tawa ngunit ngayon ay binigyan na ito ng pagkakataon para subukan at aprubado na rin ito ng FDA bilang health supplement lamang.


Tingnan natin kung hanggang saan pa aabutin ang mga nadiskubre nating ito, baka sa huli ay lumabas sa pag-aaral na mas mahusay pa ang mga ito kesa gawa ng ibang bansa.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page