App Masters, unang 2-time Champion ng PBA 3X3
ni Gerard Arce - @Sports | December 22, 2021

Nakamit ng Limitless App Masters ang pagiging kauna-unahang two-time winner ng PBA 3X3 “Lakas ng Tatlo” nang muling padapain ang TNT Tropang Giga, 21-18 sa 6th leg nito kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Isinalpak nina Jorey Napoles ay Reymar Caduyac ang tatlong free throws upang masiguro ang ikalawang sunod na titulo para sa Limitless App at makaulit sa TNT na kanilang tinalo sa 5th leg sa pamamagitan ng 14-13 panalo nitong Disyembre 12 sa Ynares Sports Center.
Muling ipinamalas ni Brandon Ganuelas-Rosser ang kanyang bagsik at lakas ng kumamada ito ng 5 points, 4 rebounds 2 assists at 2 blocks katulong rin si Marvin Hayes para muling madismaya ang tropa nina Chris Javier, Mike Gozum, Lervin Flores at Almond Vostros sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Naiuwi ng Limitless App ang first prize na P100,000, habang napunta naman sa TNT ang P50,000 cash prize. Tinalo naman ng Platinum Karaoke na binubuo nina JR Alabanza, Chris De Chavez, Karl Dehesa at Yutien Andrada ang San Miguel Beer nina Bacon Austria, Jeff Manday, James Mangahas at John Yasa sa dominanteng laro na 21-13 para sa pa-premyong P30,000.
Muling nakabalik sa finals ang TNT ng talunin ang 2nd leg runner-up Platinum Karaoke sa iskor na 19-15, gayundin ang Limitless App Master na tinalo naman ang San Miguel Beer sa iskor na 19-16 sa pagmamando ni Caduyac sa 9pts 5rebs 2assts at 1steal.
Samantala, may boxing license sa Estados Unidos ang anak ng 8-division world champion na si Manny Pacquiao para sa amateur fight si Jimuel Pacquiao at nagte-training na sa Wild Card gym sa California.





Comments