top of page

Apelyido ng ina noong dalaga, puwedeng gamitin sa birth certificate

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 10, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 10, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Simula pagkabata hanggang sa kasalukuyan, ang apelyido ng aking ina noong siya ay dalaga pa ang aking ginagamit, kahit na legal na kasal ang aking mga magulang. Ito rin ang ginamit kong apelyido sa talaan ng mga paaralan na aking pinasukan. Nais kong gamitin ang apelyido ng aking ina dahil siya ang nagpalaki at nagpaaral sa aming magkakapatid. Maaari ko bang ipabago ang apelyido sa aking birth certificate at gamitin ang apelyido ng aking ina noong siya ay dalaga pa? – Janus



Dear Janus, 


Ayon sa batas, nararapat na gamitin ng mga lehitimo at naging lehitimong anak ang apelyido ng ama.  Ito ay alinsunod sa Artikulo 364 ng New Civil Code of the Philippines:


Art. 364. Legitimate and legitimated children shall principally use the surname of the father.”


Ang apelyido ng isang anak ay mahalaga sa pagkilala sa kanyang mga ninuno. Kaya naman, para makasiguro na patas ang ating batas, ang apelyido ng ama o ina ay maaaring gamitin ng kanilang magiging anak. Karapatan ng bawat anak na gumamit ng apelyido ng sinuman sa kanyang magulang. Ayon sa batas, ang apelyido ng ama ay dapat pangunahing gamitin ng anak ngunit hindi nangangahulugang tanging ito lamang ang puwedeng gamitin. 

Para sa iyong kaalaman, ayon sa Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong na Alanis III vs. Court of Appeals, G.R. No. 216425, November 11, 2020, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic Mario Victor Famorca Leonen:



Article 364 states that legitimate children shall ‘principally’ use the surname of the father, but ‘principally’ does not mean ‘exclusively.’ This gives ample room to incorporate into Article 364 the State policy of ensuring the fundamental equality of women and men before the law, and no discernible reason to ignore it.


Samakatuwid, ayon sa Artikulo 364 ng New Civil Code of the Philippine, ang paggamit ng apelyido ng ama ay pangunahin lamang at hindi nangangahulugang eksklusibo. Dahil dito, binibigyan ng sapat na puwang ng batas ang pagpapalit ng apelyido ng isang lehitimong anak sa kanyang birth certificate para gamitin ang apelyido ng kanyang ina. Ang patakarang ito ay isang patunay ng pagsusulong ng Estado sa pangunahing pagkakapantay-pantay ng mga kababaihan at kalalakihan sa ating batas, at walang dahilan upang hindi ito bigyang halaga.

Sa iyong sitwasyon, bilang lehitimong anak, may karapatan kang ipabago ang iyong apelyido sa iyong birth certificate upang gamitin ang apelyido ng iyong ina, sa halip na apelyido ng iyong ama. Ito ay iyong karapatan dahil ayon sa batas, hindi ipinagbabawal ang paggamit ng apelyido ng ina at hindi rin minamandato ang paggamit sa apelyido ng ama.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page