Search
  • BULGAR

Antetokounmpo, Durant, James at Doncic, bidang-bida sa games

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 15, 2021





Nagtala ng triple double si MVP Giannis Antetokounmpo upang buhatin ang Milwaukee Bucks laban sa Detroit Pistons, 110-101, sa aksyon sa NBA kahapon sa Little Caesar’s Arena. Umakyat sa 8-4 ang Bucks upang makibahagi sa ikalawang puwesto sa Eastern Conference kasama ang nagpapahingang Philadelphia 76ers.


Lamang ang Bucks sa buong laro sa 22 puntos ni Antetokounmpo habang nag-ambag ng 21 puntos si Jrue Holiday. Noong 2020, nagtapos ang Milwaukee na may pinakamataas na kartada sa NBA na 56-17 subalit maagang nadisgrasya pagsapit ng playoffs kaya determinado silang bumawi ngayon at sundan ang nag-iisa nilang kampeonato sa NBA noong 1971.


Kinarga mag-isa ni Kevin Durant ang kulang na Brooklyn Nets kontra sa New York Knicks, 116-109. Gumawa si Durant ng 26 puntos habang tig-15 puntos sina Bruce Brown at Joe Harris sa gitna ng patuloy na pagliban ni Kyrie Irving at hindi pinalaro sina Caris LeVert at Jarrett Allen na bahagi ng malaking palitan na maghahatid kay James Harden sa Nets galing Houston Rockets.


Lalong pinatibay ng defending champion Los Angeles Lakers ang kanilang kapit sa pinakamagandang kartada sa liga matapos patahimikin ang Oklahoma City Thunder, 128-99, para umakyat sa 10-3. Walang nagawa ang depensa ng Thunder kay LeBron James na nagtapos na may 26 puntos sa 27 minuto at sinundan siya nina Montrezl Harrell na may 21 puntos at Anthony Davis na may 18 puntos.


Kinapos ng isang assist si Luka Doncic para mag triple double pero mas mahalaga ay nagwagi ang kanyang Dallas Mavericks sa Charlotte Hornets, 104-93. Nagtapos na may 34 puntos, si Doncic at may 18 puntos si Tim Hardaway Jr. habang ginunita ni Kristaps Porzingis ang pagbabalik mula sa operasyon sa tuhod noong Oktubre sa pagtala ng 16 puntos sa 21 minuto.


Bumuhos ng 38 puntos ang Memphis Grizzlies sa 4th quarter para mabigo ang Minnesota Timberwolves, 118-107. Bumida para sa Grizzlies sina sentro Jonas Valanciunas na may double-double na 24 puntos at 16 rebound at Grayson Allen na may 20 puntos bilang reserba.


Samantala, nasama ang paghaharap ng Atlanta Hawks at Phoenix Suns sa listahan ng mga ipinaliban na laro. Nauna nang inihayag ng NBA ang pagliban ng mga nakatakdang laro ng Utah Jazz at Washington Wizards at Orlando Magic kontra Boston Celtics.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.