Antetokounmpo, bumanat ng 55 puntos kontra Wizards
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 5, 2023

Pumutok para sa 55 puntos at 10 rebound si Giannis Antetokounmpo at binuhat niya ang Milwaukee Bucks sa 123-113 panalo sa bisitang Washington Wizards sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Fiserv Forum. Mahalaga ang tagumpay ng Bucks at tinalo ng Oklahoma City Thunder ang numero unong Boston Celtics, 150-117.
Nagbanta ang Wizards, 93-95 at iyan ang hudyat para kay Giannis na ibuhos ang 19 puntos sa loob ng 9 a minuto para sa mas komportableng 121-107 at 1:23 sa orasan.
Ang 55 ang bagong pinakamarami sa kanyang 10 taon sa liga at nilampasan ang 52 na ginawa niya noong Marso 17, 2019 laban sa Philadelphia 76ers.
Kahit wala ang kanilang bituin na si Shai Gilgeous-Alexander dahil may karamdaman, nagtala ang Thunder ng bagong marka para sa pinakamaraming puntos sa kanilang kasaysayan. Bumuhos sila ng 48 puntos sa third quarter at umakyat hanggang 37 ang lamang, 150-113, papasok sa last 2 minutes.
Namuno si Josh Giddey na may 25 puntos habang 23 si Luguentz Dort at tig-21 sina Jalen Williams at mga reserba Tre Mann at Isaiah Joe. Dahil sa mga resulta, numero uno pa rin ang Celtics (26-12) ngunit lalong humigpit ang karera sa Eastern Conference sa mga humahabol na Brooklyn Nets (25-12), Bucks (24-13) at Cleveland Cavaliers (24-14).
Samantala, tinakasan ng bisitang Sacramento Kings ang Utah Jazz, 117-115, sa bisa ng nagpapanalong buslo ni De’Aaron Fox na may 0.4 segundong nalalabi. Nakahinga ng maluwag ang Kings matapos hindi bilangin ng reperi ang huling tira ni Lauri Markkannen na pumasok subalit nakita sa video na ubos na ang oras.





Comments