top of page
Search
  • BULGAR

Ano nga ba talaga ang kahulugan ng buhay?

ni Ka Ambo - @Bistado | March 4, 2021



Marami na ang yumao na malalapit sa ating buhay.


Ano ba talaga ang kahulugan ng buhay?


◘◘◘


Malinaw na nabubuhay tayo sa kasalukuyan dahil ang nakaraan—ay nananatiling “walang buhay” dahil relikya na lang ang naiiwan.


Ang buhay ay aktuwal na limitado lamang!


◘◘◘


Malawak ang kahulugan ng “buhay”.


Batay sa siyensiya—ang lahat ng buhay ay sinusuri sa ilalim ng organisadong “biology”.


Botany kapag halaman at zoology kapag hayop.


Ang tao ay kabilang sa hayop!


◘◘◘


Kapag sinuri ang mga hayop, kakambal nito ay ang mga halaman.


Hindi puwedeng magkahiwalay ang hayop at halaman!


◘◘◘


Sa hayop, kabilang ang mga tao at kasama ang microorganism.


Ang microorganism ang siyang hinahanap sa Mars upang matukoy kung “may buhay” sa naturang planeta!


◘◘◘


Pero, paano magkakahiwalay ang “tao” at “hayop”?


Sinasabing ang tao ay binubuo ng pisikal at kaluluwa.


Sa kabuuan, inilalarawan ang tao bilang pisikal, isip at kaluluwa!


◘◘◘


Ang pisikal ay madaling ipaliwanag at ang isip ay ang proseso na nagpapaandar sa utak na nasa loob ng bungo ng pisikal na katawan.


Pero, ang kaluluwa—hanggang ngayon ay hindi kasama sa “siyensiya”, bagkus ito ay nananatiling pang-“mistiko” o “relihiyon” lamang!


◘◘◘


Nasusuri sa laboratory ang selyula ng katawan.


Maging ang isip ay nasusukat, batay sa proseso ng “utak”.


Pero, walang ebidensiyang natutuklasan ang siyensiya upang patunayan kung mayroon bang “kaluluwa”!


◘◘◘


Ang hayop ay malinaw na may pisikal at may isip.


Pero, sinasabing “walang kaluluwa” ang hayop!


◘◘◘


Ang halaman ay may pisikal pero, hindi napatutunayan kung may “isip” ang halaman.


Ibig sabihin—ang tao ay “may katawan, isip at kaluluwa”.


Ang hayop ay “may pisikal at isip”.


Ang halaman ay may “pisikal” pero walang isip at kaluluwa!


◘◘◘


May emosyon at isip ang tao, pero sinasabing walang emosyon ang halaman.


Gayunman, sa ilang kapaniwalaan—perfect creation ang halaman lalo na ang mga namumulaklak, may pambihirang dahon at kaakit-akit na kulay.


Marangya at maalindog ang halaman kaysa sa hayop at tao!


◘◘◘


Kung susuriin, kapag inuuguy-ugoy ng hangin ang mga halaman, lalo na ang mga may makukulay na dahon at bulaklak, mistula silang nasa alapaap.


Pero, ang halaman ay tulad din ng hayop at tao—pinepeste at nagkaka-virus, at natutuyot at naglalaho!


◘◘◘


Ang living things ay kakambal ng kahulugan ng buhay.


Pero, ang nais nating maarok ay ang kahulugan ng buhay ng tao—at hindi ng buhay ng halaman at hayop.


Kung gayun, ang pagsasaliksik ay dapat nakatuon sa relasyon ng “kaluluwa”, isip at pisikal na katawan!


◘◘◘


Nakalulungkot isipin, bigo ang siyensiya na magbigay-paliwanag kung ano ang “kaluluwa”.


‘Yan ang dahilan kung bakit sinasabing ang mga tao—ay mangmang sa kanyang sariling katayuan!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page