Ano’ng nangyari sa American dream?

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | January 11, 2021
Isang malungkot na sandali sa kasaysayan ng Estados Unidos ang naganap noong Huwebes, ika-7 ng Enero, 2021. Nilusob ng mga kaalyado ni U.S. Pres. Donald Trump ang US Congress sa Capitol Hill. Bakit? Paano? Walang ibang dahilan kundi ang mismong panawagan ng Pangulo na lumusob ang kanyang mga kaalyado at nangako pa itong sasama siya.
At ganu’n nga ang nangyari. Nagbasag ng mga bintana at pinuwersang buksan ang mga pintuan ng Kongreso at pansamantalang inagaw ng mga galit na kaalyado ang sentro ng demokrasya.
Dahil dito, naudlot ang legal na proklamasyon ng bagong Pangulo ng Estados Unidos.
Dahil dito nagsimula ang panawagang pababain si Trump sa puwesto. Dumarami na ang mga kaalyadong senador at kongresista na humihinging umalis siya at itigil na ang mga salita at pagkilos na humahati sa mga Amerikano at nagpapalaganap ng krisis na ito.
Meron pang ilang araw na nalalabi para manatili siya sa kanyang kinalalagyan. Ngunit sa ayaw at gusto nito ay kailangan na niyang umalis sa White House ngayong ika-20 ng Enero, 2021.
Dahil sa pangyayaring ito, sinuspende ng Twitter, Instagram at Facebook ang account ni Trump at nanawagan ang maraming kasapi ng Kongreso na gamitin “25th Amendment” laban kay Trump.
Malinaw ang ibinunga ng lahat ng ito—bunga nito ang malalim na sugat sa demokrasya sa Estados Unidos. Malinaw na nanganib na masira ang naturang “Rule of Law” at palitan ito ng kawalan ng batas at katarungan. At sino ang nanguna, namuno upang sirain ang “Rule of Law” ang pamantayan ng batas, ng katarungang para sa lahat na tinitiyak na pantay-pantay ang pagtingin ng Pamahalaan sa lahat ng sinasakupan nito.
Kitang-kita at dinig na dinig kung sino ang nakikita at nagsasalita. Sino ang paulit-ulit na nagsabing dadayain, dinaya at patuloy pa ring dadayain ng oposisyon ang nakaupong Pangulo? Sino ang patuloy na nagkakalat ng mga naturang “Conspiracy Theories” o mga inaakalang planong lutuin o sirain ang “tunay” na kinalabasan ng eleksiyon?
Hindi dapat maging problema ang kapangyarihan kung ang pagkakalooban nito ay alam at kayang gamitin ito nang maayos sa anumang sitwasyon—may krisis man o wala. Malinaw kung paano nakakalasing ang kapangyarihan. At kapag nalasing ang may hawak ng kapangyarihan, ang unang nangyayari ay kalimutan kung saan nanggaling ang kapangyarihang hawak at ginagamit niya.
At isang malinaw na mali at masamang epekto ng kalasingan ay ang gamitin ang kapangyarihan para sa sariling kapakanan at hindi para sa lahat. Ito ang malungkot at mapanganib na landas ng mga naging diktador, pormal (opisyal na dineklara) o impormal (de facto, hindi kailangang i-deklara dahil nangyayari na).
Kaya, tinatanong natin, ano ang nangyari sa “American Dream?” Nakilala ang Estados Unidos para sa demokrasyang isinilang at patuloy na itinataguyod mula sa kanila. Ito ang simbolo o “icon” ng demokrasya ngunit sa nangyari noong Huwebes, tila nabaliktad at nawala ito.
Binabantayan ng buong mundo ang nangyayari sa Estados Unidos. Binabantayan ng buong mundo ang nanganganib na demokrasya hindi lang sa Estados Unidos kundi sa maraming bahagi ng mundo, tulad ng ating bansa.





Comments