Ano'ng ibig sabihin ng ginto ni Carlos Yulo?
- BULGAR
- Aug 10, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 10, 2024

Lumabas kamakailan ang panukalang batas mula sa Senado hinggil sa pagbabawal ng cellphone sa mga paaralang elementarya hanggang senior high school.
Ang pananaw ni Sen. Sherwin Gatchalian, malaking abala ang cellphone sa pag-aaral ng mga estudyante. Sa halip na cellphone ang hawak, higit na pakikinabangan ang paghawak at pagbabasa ng libro.
Ipinaliwanag natin sa mga mag-aaral ng isang senior high school na malapit sa ating parokya ang tila problemang idinudulot ng cellphone lalo na dahil sa social media na umaakit sa kanilang atensyon. Ipinaalam natin ang konsepto at katotohanan ng “attention economy” o ang ekonomiya ng atensyon na hawak, ginagamit at pinagsasamantalahan ng mga korporasyon. Salamat sa social media halos wala nang matatakbuhan o mapupuntahan ang sinuman, lalo na ang mga kabataan kundi ang kanilang mga cellphone na merong data para magawa nila lahat ng posible sa internet, partikular na sa social media.
Sa isang interesanteng libro na isinulat ni Jenny Odiel, halos imposibleng makawala sa makabagong paniniil o pananakop ng mga korporasyon sa pamamagitan ng social media na pipilitin tayong mamahayag (maski na ayaw natin) at dahil dito, hindi na natin nakikilala ang katahimikan mula sa pag-iisa.
Karaniwan nang malunod at mawala tayo sa malawak na karagatan ng mga salita at imahe, at tuluyang makalimutan natin ang kahalagahan ng mga ito bunga ng katotohanan na mapipiga at mapapalabas lamang sa kapaligirang tahimik at malaya sa anumang pilit na aagawin ang ating atensyon.
Hindi masama ang bagong teknolohiya ng komunikasyon. Salamat dito at nasundan ng lahat ang mga kaganapan sa Paris hinggil sa Summer Olympics. Salamat sa socmed at nasubaybayan natin sina Petecio; Villegas, Catantan, Yulo, Obiena at ang iba pang bumubuo sa 24 na delegasyon ng mga kababayan na lumaban sa Paris Olympics.
Salamat sa socmed at nasaksihan natin ng dalawang ulit ang tagumpay ni Carlos Yulo na nagtamo ng dalawang ginto. At tuwing sinasabitan ang batang Yulo ng gintong medalya na sinusundan ng pagpapatugtog ng ating Pambansang Awit, halos lahat ay kinikilabutan at napapaiyak dulot ng malalim na galak dahil muling nakita at napansin ng mundo ang Pilipinas, at ang mga Pilipino na tunay namang mahusay at magaling.
Ilang taon na ring nawala tayo sa listahan ng mga matagumpay, maunlad at may integridad na bansa. Salamat sa mga nagpapalaganap ng katiwalian, tulad ng korupsiyon, pangingikil at pagsisinungaling. At kahit na matagal na tayong kilala sa mga mabababaw at nakakahiyang mga katangian, tama lang na makilala naman tayo sa ibayong lalim, kabutihan at galing.
Ngunit, pare-pareho ring nagulat ang marami sa biglang pagsulpot ng ina ni Carlos na maraming hinanakit tungkol sa kanyang anak na atleta. Hindi magaganda ang sinabi ng ina ni Carlos at salamat naman na hindi kagyat na sumagot ito sa kanyang nanay.
Maraming nadismaya sa ina ni Carlos, sabi nga ng isang kilalang direktor ng sine, “Sana’y huwag bigyan ng anumang puwang ang nanay ni Carlos Yulo dahil sa halip na makatulong ito ay nagkalat lang ng maitim na usok na kinukublihan ang luningning ng ginintuang tagumpay ni Carlos.”
Hindi maganda ang mga binitawang salita ng ina ni Carlos. Ngunit, sa halip na makuha ng ina ang simpatiya ng mga mamamayan, umani ito ng isang katutak na panlalait mula sa karamihan. Tuloy maraming ina ang nagsabing, “hinding-hindi namin gagawin at tutularan ang pagkilos, maging ang pag-uugali ng nanay ni Carlos Yulo”.
Hindi rin nagtagal sinamahan si Angelica Yulo, ina ni Carlos, ng isang sikat na abogado upang magsagawa ng presscon. Pinanood siyempre ito ng lahat, kung saan humingi ng tawad si Angelica sa kanyang anak.
Ikinuwento natin ang mga pangyayaring ito sa mga mag-aaral ng senior high school na malapit sa aking parokya. Napansin natin ang kanilang pagtango at pagsang-ayon sa ating mga sinabi. Kailangan pa bang itanghal sa publiko ang away ng mag-ina? Ngunit, gusto ito ng social media na pinalalaganap ang anumang balita, maganda man o pangit, at sa kasawiang palad sampu ng totoo at kasinungalingan. Hindi talaga mahalaga kung totoo o hindi, basta’t kakagatin ng karamihan. Kaya maski na maraming nagkokomentaryo at naglalabas ng “baho” ng pamilya ng atleta o ng mismong atleta, hindi problema ito dahil tiyak na mabibili at magpapasikat sa sinumang magsasalita para rito.
Makapagbibigay ba ng positibong epekto ang intrigang bumabalot ngayon kay Carlos Yulo? Aba’y oo, totoo man o hindi, basta gusto ng masa, gusto ng nakararami, magandang ilabas at tiyak na pagkakakitaan ang mga ipahahayag sa social media.
Pero, nasaan na ang disiplina at direksyon? Posible ba ito?
Huwag na tayong maghanap ng sagot dahil malinaw na merong disiplina at direksyon si Carlos Yulo.
Sa pagtatapos ng misa, hinimok kong sabihin ng lahat ng nagsimba, mula sa katabi sa kaliwa at sa kanan, tulad ni Carlos Yulo, ako, ikaw, tayo ay may direksyon at disiplina.








Comments