top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Ano ang natural, dapat sa paaralan, kolehiyo o unibersidad?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 1, 2021
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | February 1, 2021



Marami sa atin ay dumaan sa pormal na edukasyon. Marahil, kung pag-uusapan ang maganda at nararapat na edukasyon, maaaring lumabas ang salitang likas, natural o ayon sa kalikasan ng tao. Sa madaling salita, hindi maganda ang artipisyal, minadali, dinaya o dinaan sa paspasan.


Sa kasawiang-palad, hinaluan pa ng karahasan at anumang uri ng pananakit at paglalapastangan.


Ito marahil ang tinutukoy ni HesuKristo sa ebanghelyo noong Biyernes. Aniya, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pakatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.” (Marcos 4:26-29)


Ang tunay na kagandahan ay hindi madaan sa palamuti o anumang uri ng pagpapanggap. Kung maganda, maganda talaga. O, sa madaling salita, kung maganda, natural ito at hindi pilit ang kagandahan.


Ang natural na paghuhubog ay mahalaga sa pagbuo ng karakter o ng ating kabuuang pagkatao. Ang magaspang na pagkatao ay kulang ng pagkilala sa tunay na kalooban ng tao. Ano ang ginagawa ng mahuhusay na guro? Una, inaalam kung ano ang totoo at likas na pagkatao ng lahat. Kaya sa anumang unibersidad tinuturo ang pilosopiya upang alamin kung ano ang tao, ang kanyang kamalayan, pinagmulan ng kaisipan, diwa at malikhaing gawa.


Ganun kahalaga ang pagkilala sa kamalayan ng tao at sa kanyang espiritu na iba sa anumang hayop sa balat ng lupa.


Likas sa tao ang paggamit ng isipan at kamalayan. Likas sa hayop ang paggamit ng instinto o pakiramdam. Bagama’t kapwa kayang gumamit ng lakas ang tao at hayop, higit na may kakayahang pigilin ng tao ang karahasan. Kung masukol ang hayop, likas dito na gumamit ng dahas upang ipagtanggol ang sarili. Maaari ring gawin ito ng tao ngunit taglay nito ang kakayahang pumili o magpasya na iwasan ang karahasan.


Una pa sa paaralan ay ang edukasyong idinudulot ng tahanan o pamilya. Kung marunong kumilala sa pagkatao, kalooban at kamalayan ng kanilang anak, ang mga magulang, tiyak na iingatan ng mga ito na makita, marinig at maramdaman ang anumang marahas.


Pumapasok sa usapin ng likas na kamalayan at pagkatao ng bawat isa ang malayang pagpasok ng mga sundalo at pulis sa unibersidad. Sa mga nagdaang buwan ng pandemya, sinanay na ang mga sundalo’t pulis na palaging humawak o makitang may hawak na baril. Sa halip na maramdaman ng karamihan ang kapanatagan ng loob, pag-aalala at takot ang bunga ng ganitong tanawin.


Ano ang mangyayari sa bansa, kung kahit saan, lalo na sa mga lugar na hindi dapat makita, marinig, maramdaman at matutunan ang anumang dahas o harahasan ay naglipana ang mga simbolo ng kabaliktaran ng kapayapaan, kaayusan at kagandahang-loob?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page