BF, after magkaanak ng 3 sa iba... ANGELINE, PROUD NA PAKAKASALAN NG TATAY NG ANAK
ni Julie Bonifacio - @Winner | June 21, 2022

Super inspired si Angeline Quinto sa kanyang pagbabalik-showbiz pagkatapos isilang ang kanyang first baby na si Sylvio at ibunyag ang relasyon niya sa ama ng kanyang anak na si Nonrev Daquina.
Sunud-sunod ang ganap sa buhay niya kahit noong kasagsagan ng lockdown during COVID-19 pandemic for two years.
“Ang daming nagbago at kahit sa mga plano ko, ang daming nagbago rin. Pero ibang-iba ‘yung pakiramdam ngayon, eh. Mas inspired ako ngayon sa lahat ng aspeto ng buhay ko. Napakarami kong mga trabaho talaga na blessing din kasi dumarating kahit nasa loob pa rin po tayo ng pandemic.
"At sobrang thankful ako roon. Lahat naman talaga ng ginagawa ko ngayon is for Baby Sylvio at sa family ko,” pahayag ni Angeline nu’ng makausap namin sa launching ng kanyang Twinqle skin/baby products kamakailan.
Waiting ang mga fans ni Angeline kung kailan magle-level-up ang relasyon nila ni Nonrev at inamin ng singer na may plano silang magpakasal.
“May mga ganu'ng usapan na talaga. Uh, hindi man napapag-usapan na lahat pero unti-unti. Dumarating kami sa puntong ganoon. Siyempre, sa ngayon, nagkaanak ako at bumubuo kami ng sarili naming family, pinag-uusapan namin ang tungkol sa kasal.
"Siya naman ang nag-o-open noon, eh. Ang suwerte ko lang kasi naririnig ko sa kanya, ako ‘yung gusto niyang makasama habambuhay,” pagri-reveal ni Angeline.
Kinlaro rin sa amin ng chief executive officer (CEO) ng Twinqle na never nagpakasal si Nonrev, not even sa mga nanay ng tatlong anak na babae ng tatay ni Baby Sylvio, taliwas sa mga kumalat na tsika na may asawa na raw ito.
“Sinabi naman din niya sa akin ang tungkol doon. Wala naman. Nagkaroon siya ng ibang anak sa mga past relationships niya, pero never naman po siyang ikinasal. Wala naman po siyang pinakasalan. Sana ako. Uh, hahaha!”
Handa naman daw si Angeline kapag niyaya siya ni Nonrev ng kasal.
“Reding-ready naman ako. At saka ano ‘yan, eh, buhay pa ang Mama (Bob) ko, dream niya ‘yan sa akin. At saka, siyempre, bilang isang babae, talagang ano, gusto ko ring maging maayos ang lahat.”
Bigla kaming nagduda na baka naman engaged na sina Angeline at Nonrev, kaya napatingin kami sa kamay ni Angeline.
“Ano ‘yun? Ano raw,” sabay hawak ni Angeline sa kanyang face mask at lumitaw ang kanyang daliri na may suot na singsing. And not one, but two, hah?!
Pagturo namin sa mga suot na singsing ni Angeline, pilit naman niya itong itinago at tinakpan ng isa pa niyang kamay.
“Ay, grabe siya,” sabi sa amin ni Angeline habang natatawa.
So, nag-propose na?
“Hindi ko alam. Hahaha! Nakakatawa si Tita Julie. Ang bilis ng mata mo,” sabi pa niya sa amin.
Naku, for sure, sunod na iba-vlog ni Angeline ang tungkol sa engagement or better yet, ang naganap na wedding nila ni Nonrev, kung meron man.
“Uh, hindi ko pa alam, eh. Siyempre, kung tatanungin tayo kung gustong pakasalan, baka puwede pa. Sa ngayon, pinaplano pa lang.”
Pero si Nonrev na ba ang kanyang Mr. Right?
“Opo naman, Tita. Alam, kong siya na ‘yun. Siya ‘yung ano ko, ‘yung true love,” diin ni Angeline.
Samantala, kung dati ay nanghihiram lang ng damit si Angeline nu’ng kasagsagan ng kanyang pagsali sa talent-search na Star Power ng ABS-CBN, ngayon ay keri na niyang magtayo ng clothing business after ng kanyang Twinqle Baby Corporation.
Payo ni Angeline, anuman ‘yung naiisip natin or gusto nating mangyari sa buhay natin, kailangang umpisahan na ng trabaho at kilos.
“Kasi hindi puwedeng nand'yan lang siya sa isip mo. Kailangan, makita mo na ginagawa mo para ‘yun sa pangarap mo. Ako, kapag may mga naiisip akong gusto kong gawin, sinusubukan ko agad. Ganu'n ako. Kasi siyempre, kailan ko pa susubukan kapag hindi ko na kaya? Kapag wala na ‘yung mga tao na nand’yan para maging kasama ko or katulong ko?
“So, eto, katulad ng Twinqle, nabuo po ang Twinqle Baby Corporation nu’ng nagbubuntis ako. Sabi ko, parang gusto kong maintindihan pa ‘yung mga pangangailangan ng mga nanay lalo na ‘yung mga first-time moms na hindi alam ang gagawin sa mga anak nila.
“Kasi nga, unang beses nila magkaroon ng anak. So, ‘yun. Sabi ko, ‘Ang dami kong katulad na ganyan, mga batang nanay. Hindi ko sinasabing bata ako. Pero sa tulong nga ng mga tinatawag kong team of experts, talagang nabuo namin. At sa akin din kasi nanggaling ‘yung mga produkto. Unang-una kong pangangailangan ‘yun nu’ng nagbubuntis ako.”
May mga naiisip na raw si Angeline na idaragdag pa na bagong products sa Twinqle. But she was advised na magdahan-dahan muna.
"Ang bilis ko kasi talagang mag-isip sa ganyan. Siguro siyempre, since bago pa lang natin ‘tong ipinapakilala sa mga tao, dahan-dahan lang, para at least, naiintindihan din nila ‘yung mga inilalabas natin na products,” excited na tsika pa ni Angeline.





Comments