Angelica, Nadine at Bianca, tinalong Best Actres … “LORD, TINUPAD N'YO ANG PANGARAP KO” — KRYSTEL GO
- BULGAR

- 4 days ago
- 2 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | December 29, 2025

Photo: IG _nathan.studios
Masaya si Sylvia Sanchez at ang buong team ng Nathan Studios dahil natupad ang pangarap nila sa pinaghirapan nilang pelikula na entry sa 51st Metro Manila Film Festival (MMFF), ang I’mPerfect.
Si Sylvia ang producer ng pelikula na idinirehe ni Direk Sigrid Andrea Bernardo.
Sa naganap na Gabi ng Parangal ng MMFF noong December 27 sa Dusit Thani Hotel, Makati, ang I’mPerfect ang nagwagi bilang Best Picture.
Second Best Picture ang UnMarry nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo. Tie naman sa 3rd Best Picture ang pelikula ni Vice Ganda na Call Me Mother (CMM) at Manila's Finest ni Piolo Pascual.
Best Actor si Vice Ganda para sa CMM. Si Krystel Go ang nagwaging Best Actress para sa kanyang papel bilang Jessica sa I’mPerfect.
Nakipagsabayan siya sa mga award-winning actresses na sina Nadine Lustre at Angelica Panganiban, ngunit mas pinahalagahan ng hurado ang husay niya, na unang beses pa lamang sumabak sa pag-arte sa kabila ng pagiging person with Down syndrome.
Nominado rin sa Best Actress ang former Pinoy Big Brother (PBB) housemate na si Bianca de Vera para sa pelikulang Love You So Bad (LYSB).
Very touching ang acceptance speech ni Krystel, kung saan laging nakaalalay sina Sylvia at Direk Sigrid. Teary-eyed ang audience habang pinakikinggan ang kanyang mensahe.
Ani Krystel, “Maraming salamat po sa award na ito. ‘Di po ako makapaniwala na nanalo po ako. Mommy and Daddy, para po sa inyo ‘to. Best Actress na po ako.
“Direk Sigrid Andrea Bernardo, maraming salamat po sa pagkakataon na ito para mabigyan kami ng boses at maipakita namin na kaya rin naming umarte.”
Dagdag pa niya, “Lord, tinupad n’yo po ang pangarap ko, naming lahat na maging artista.”
Congrats kay Krystel, a.k.a. Jessica ng I’mPerfect, at sa buong team ng Nathan Studios, lalo na kina Sylvia Sanchez at Direk Sigrid Andrea Bernardo.
NO show si Carla Abellana sa nagdaang Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal kung saan kabilang siya sa pelikulang Shake, Rattle & Roll: Evil Origins (SRREO).
Una na naming naisulat kahapon na ikinasal na ang Kapuso actress sa non-showbiz boyfriend na si Dr. Reginald Santos noong December 27 sa Tagaytay, sa isang intimate ceremony.
Tahimik na naitago ng aktres ang kasal, ngunit nangako siya sa kanyang mga supporters na ibabahagi rin niya ang mga detalye ng kanyang special day.
Suot ang isang napakagandang white wedding gown, blooming na blooming ang aktres sa naturang okasyon.
Bago ang kasal, nagbahagi rin si Carla ng mga pasilip sa kanyang bridal shower na ginanap sa isang dermatology clinic sa Parañaque kasama ang kanyang ina at malalapit na kaibigan.
Matatandaang tikom ang bibig ni Carla tungkol sa pagkakakilanlan ng kanyang groom noong una, at nitong mga nakaraang buwan lamang niya kinumpirma ang kanilang engagement matapos mag-post ng diamond ring.
Sa isang panayam sa 24 Oras, sey ni Carla, “We’ll share everything definitely, kasi ang hirap nang overwhelmed ka, overjoyed ka, tapos ‘di mo mailabas.”
Nag-post din si Carla ng quote card na, “Last Christmas as a Miss,” bilang pahiwatig na iyon na ang huli niyang Pasko bilang dalaga.
Congratulations again, Carla Abellana & Dr. Reginald Santos!








Comments