Kasama pa si Mariel at 2 anak… SEN. ROBIN, MAS HAPPY NA SA KARINDERYA KUMAKAIN
- BULGAR

- 7 hours ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | December 30, 2025

Photo: File / Robin Padilla
“Dito ako nagiging payapa,” ito ang pahayag ng aktor na si Senator Robin Padilla sa kanyang Facebook (FB) page post.
Nagbahagi ang mahusay na aktor na si Sen. Robin ng video clip kung saan makikita na namamasyal siya kasama ang kanyang asawang aktres na si Mariel Rodriguez at mga anak nilang sina Isabella at Gabriela sa Zamboanga.
Saad ni Sen. Robin, “Hindi sa mamahaling luho o engrandeng bakasyon ako nakakahanap ng tunay na pahinga. Para sa akin, ang pinakamalaking biyaya ay ang makapaglakbay kasama ang pamilya. ‘Yung sabay-sabay kakain sa simpleng karinderya, magtatawanan sa biyahe, at sabay naming hahangaan ang ganda ng ating Pilipinas.
“Dito ako nagiging payapa, dito ako humuhugot ng lakas. Dahil ‘pag pamilya ang kasama at kultura ng Pilipinas ang tanaw, ‘di lang katawan ang nagpapahinga. Pati puso at pagkatao ay napapaalala na ang yaman ng buhay ay nasa pagmamahalan at pagtutulungan bilang isang pamilya at isang bayan.
“Patuloy tayong magmahal sa sariling atin at sa mga taong nagbibigay-saysay sa ating paglalakbay sa buhay.”
In fairness kay Sen. Robin Padilla, solid ang pagmamahal niya sa kanyang pamilya lalo na sa ating bansang sinilangan.
Boom, ‘yun na!
Walang katahimikan…
VICE, NAPE-PRESSURE SA PAGPAPATAWA SA IT'S SHOWTIME
“MASYADONG mataas ang expectation ‘pag Vice Ganda movie. Kailangan, number 1, top grosser,” ito ang pahayag ng komedyanteng si Ogie Diaz sa kanyang social media post.
Saad ni Mama Ogs, “Congrats, Vice Ganda! Pagbati bilang top grosser ang kanyang pelikulang Call Me Mother. Unofficial pero P49M gross on its first day.
“Dito sa showbiz, lalo na ‘pag Metro Manila Film Festival (MMFF), ine-expect na ng marami na movie n’ya ang nagna-number 1. As always naman.
“Pero ang ‘di n’yo alam, pressure kay Vice ‘yun. Magandang pressure kung tutuusin.
“Kaso if I know him personally, pinoproblema n’ya ‘yan kung ano pa ang bago na puwede n’yang ipakita next time at kung paano n’ya masu-sustain ang laging nasa top habang s’ya ay nabubuhay.
“Alam n’yo naman sa digital world ngayon, consistency ang hinahanap nila. Next time, ‘pag nag-number 2 kunwari ang filmfest entry ni Vice, maninibago na agad ang iba.
“Walang ipinagkaiba sa sampung magandang nagawa mo—isa lang ang pumalpak ka o nagkamali ka, nababalewala na ‘yung siyam.
“Masyadong mataas ang expectation ‘pag Vice Ganda movie. Kailangan number 1, top grosser. Punumpuno dapat ang mga sinehan. ‘Pag concert, kailangan, sold-out din.
“Iniangat din niya ang antas ng pagpapatawa sa telebisyon. Sinasamahan n’ya ng wisdom, wit at talino. Kasi nagle-level-up na ang comedy ngayon. Kahit ang It’s Showtime, ‘di n’yo lang alam—araw-araw niyang kasama sa mga iniisip kung ano naman ang bago na puwede niyang ibigay na nakakaaliw, nakakatawa at kapupulutan ng wisdom at realization. Kailangan, ‘di paulit-ulit. Dapat, bago. Dapat sa kanya lang mapapanood o sa It’s Showtime lang unang mapapanood.
“Tingnan n’yo, maaaring marami s’yang pera. Lahat ng bagay, kahit magkano pa ‘yan, kaya niyang bilhin. Kahit saan n’ya gustong mag-travel, kaya n’yang gawin.
“Pero ang lola n’yo, ‘di matatahimik ang isip n’yan nang wala s’yang bagong ihahain sa publiko. Kung paano masu-sustain at ma-maintain, pinoproblema n’ya ‘yan. At ‘yung akala ng ibang tao, minamani lang n’ya ang It’s Showtime araw-araw? Hahaha! Nagkakamali kayo.
“Ang kalaban ni Vice ay ang sarili n’ya. Kaya kung ano ang ginawa n’yang maganda o nakakatawa ngayon, kailangan malampasan n’ya ‘yun bukas. Ganyan si Vice Ganda.
“Kung tutuusin, kaya na n’yang magpahinga at i-enjoy ang pera n’ya, pero ang iniisip pa rin n’ya ay ang inaasahan sa kanya ng mga manonood. Sa lahat ng ito, kulang ang bansag sa kanyang ‘Unkabogable.’ Isa siyang ‘Unkabogable Icon.’”
Very well said, Mama Ogs. Pak na pak ka d’yan, as in tumpak!








Comments