- BULGAR
Angas ng Ormoc, Casimero lang ang katapat ni Inoue
ni MC - @Sports | June 10, 2022

"Tatlong belt na kay Naoya Inoue--WBC, IBF at WBA. Nandito sa akin yung WBO. Naoya Inoue, you're a monster? No. You're no monster, you're Japanese turtle again!," tila hamon ni John Riel Casimero kay Inoue sa kanyang video post sa Youtube.
"Walang ibang makakatalo kay Naoya (tanging ang) angas ng Pinas, batang Ormoc, John Riel Casimero," sabi pa ng dating three-division champion Casimero sa gitna ng kanyang maingay na panghahamon sa WBC, WBA, at IBF world bantamweight champion Inoue matapos ang second-round victory ng Hapon laban kay Nonito Donaire Jr. noong Martes sa Saitama, Japan.
"Ginawa naman ni Donaire yung best niya na manalo sa laban," aniya pa.. "Donaire sana ok ka lang diyan. 'Wag kang mag-alala Donaire, babawi tayo. Lahat ng mga Filipino ipaglalaban natin yung nangyari kay Donaire. So, abangan n'yo guys."
Si Casimero, 33-anyos ang siyang sanay kalaban ni Inoue noong Abril 2020 pero nabalam ang match dahil sa COVID-19 pandemic. Nagwagi si Casimero sa huling laban noong Agosto kontra dating kampeon Guillermo Rigondeaux sa bisa ng split decision.
Sinabi ni Casimero, 31-4, may 21 knockouts na hawak niya ang WBO world bantamweight title. Dedepensahan din sana niya ang world title kontra mandatory challenger Paul Butler noong Disyembre pero nabantilaw na naman dahil nagkaroon siya ng viral gastritis sa araw ng weigh-in.
Iniatras ng WBO ang mandatory title defense niya noong Abril sa Liverpool dahil lumabag siya sa British Boxing Board of Control nang umano'y gumamit siya ng sauna bago ang laban. Nagpasya ang sanctioning body na tanggalan siya ng titulo makaraang mabigong madepensahan ang sinturon niya.
Samantala, imbes na masayang pagdiriwang ang pag-uwi sa kanyang tahanan ni Japanese boxing champion Inoue, napag-alaman niya na habang abala siya sa pakikipaglaban sa ibabaw ng ring kay Nonito Donaire ay nilooban siya ng dalawang magnanakaw.
Ilang dosenang mga mamahaling bags at mga alahas ang ninakaw sa tahanan ng 29-anyos na bantamweight champion malapit sa Tokyo noong Martes ng gabi, ayon sa ulat ng Broadcasters TBS at Fuji TV mula sa hindi pinangalanang police source.
Hindi napigilan ng unbeaten Japanese boxer ang madismaya sa insidente, aniya sa Tweet, "What a disgusting story on an otherwise celebratory day... Everyone be careful!!"