- BULGAR
Ang ‘verbal na kasunduan’ sa pagbabayad ng interest ay walang bisa
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 20, 2022
Dear Chief Acosta,
Nagpautang ako sa aking kaibigan, ngunit ang aming transaksyon ay walang naging kasulatan. Umutang siya sa akin ng halagang Php 200,000 at siya rin ang nag-alok at nagtalaga ng pagbabayad ng 6% na buwanang tubo o Php 12,000 hanggang kanyang mabayaran ang buong utang. Sa nakalipas na dalawang taon ay patuloy siyang nagbayad ng buwanang tubo, ngunit hindi na ito nasundan matapos noon. Ngayon ay iginigiit niya na sa laki ng tubo na binayad niya sa akin, na umabot sa halagang Php 288,000 sa loob ng 24-buwan ay hindi na niya kayang bayaran ang principal amount ng kanyang utang. Maaari ba ito? - Joseph
Dear Joseph,
Ang batas na sasaklaw tungkol sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 386 o mas kilala bilang New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Section 1956 nito na:
“Article 1956. No interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing.”
Kaugnay nito, inilahad ng Korte Suprema sa kaso ng Rolando C. Dela Paz v. L & J Development Company (G.R. No. 183360, 08 September 2014), sa panulat ni Retired Honorable Associate Justice Mariano C. del Castillo na:
“Under Article 1956 of the Civil Code, no interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing. Jurisprudence on the matter also holds that for interest to be due and payable, two conditions must concur: a) express stipulation for the payment of interest; and b) the agreement to pay interest is reduced in writing.
Here, it is undisputed that the parties did not put down in writing their agreement. Thus, no interest is due. The collection of interest without any stipulation in writing is prohibited by law.
xxx
It may be raised that L&J is stopped from questioning the interest rate considering that it has been paying Rolando interest at such rate for more than two and a half years. xxx However, in Ching v. Nicdao, the daily payments of the debtor to the lender were considered as payment of the principal amount of the loan because Article 1956 was not complied with. This was notwithstanding the debtor’s admission that the payments made were for the interests due. The Court categorically stated therein that “[e]stoppel cannot give validity to an act that is prohibited by law or one that is against public policy.
xxx
As exhaustibly discussed, no monetary interest is due Rolando pursuant to Article 1956. The CA thus correctly adjudged that the excess interest payments made by L&J should be applied to its principal loan. As computed by the CA, Rolando is bound to return the excess payment of ₱226,000 to L&J following the principle of solutio indebiti.” (Binigyang-diin)
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas at desisyon ng Korte Suprema, ang interest o tubo mula sa utang ay hindi maaaring singilin kung ito’y hindi malinaw na nakasaad sa kasulatan. Ang pagpapataw ng interest o tubo sa utang nang walang kaakibat na kasulatan ay mariing ipinagbabawal sa batas.
Sa iyong sitwasyon at kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema, dahil hindi nakasaad sa kasulatan ang pagbabayad ng interest o tubo, hindi mo ito maaaring ipataw sa iyong kaibigan. Ang inyong verbal na kasunduan kaugnay sa pagbabayad ng interest ay walang bisa. Alinsunod din sa nabanggit na desisyon, marapat mong isauli sa iyong kaibigan ang labis sa pagitan ng halagang kanyang naibayad at ang halagang kanyang inutang.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.