top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Ang “truth decay” o ang nakabubulok ang kasinungalingan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 16, 2021
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | January 16, 2021



Maraming leksiyong itinuturo ang nakaraang eleksiyon sa Estados Unidos, ngunit ang pinaka-mahalaga sa mga ito, “Ang Pangulo ay hindi dapat magsinungaling. Dapat palagi siyang magsabi ng totoo.”


Madalas balewalain ni U. S. Pres Donald Trump ang panganib ng COVID-19, mabigat ang epekto nito kung saan mahigit 365,000 ang namatay at dahil na rin sa maling impormasyong ikinakalat nang walang iba, kundi ang mismong pangulo ng Estados Unidos. Dahil sa ganitong pagsisinungaling, buhay ang kapalit.


Pangalawang, noong Oktubre, bago pa mag-eleksiyon ay ipinagkalat ni Trump na dadayain siya at sa mismong eleksiyon hanggang sa matapos ang bilangan at manalo na si Biden, walang tigil ang bibig nito sa pagsabing, “Malawakang pandaraya ang naganap.”


At noong isang linggo, sa isang rally sa hindi kalayuan sa White House, ginalit ni Trump ang kanyang mga taga-suporta hanggang sa nagmartsa ang mga ito tungo sa Senado ng Estados Unidos. At dito naganap ang kalunus-lunos na bandalismo hindi lang sa gawa kundi sa salita. Maliban sa isang pulis at isang sibilyang namatay, hindi lang nasugatan ang napakahalagang institusyon, ang Senado kundi ang mismong kinakatawan at pinagtatanggol nito, ang demokrasya.


Tinawag ni ex-Pres Barrack Obama ang kabuuang kampanya at paglilingkod ni Trump na “truth decay” — totoong nakabubulok ang kasinungalingan. Makamandag na lason ang anumang kasinungalingan, paulit-ulit na nating nakikita ito mula pa kay Hudas hanggang kay Hitler hanggang kay Trump.


Dahil sa kataksilan, pagtalikod ni Hudas sa katotohanan, naibenta niya ang kanyang Panginoon sa napakaliit na halaga. Dahil sa kahibangan ng paniniwala sa kasinungalingang na higit sa lahat ang mga Aleman lalo na sa mga Hudyo na sumisira sa buhay ng mga Aleman. Dahil sa pawang sirang plakang tinig ni Trump na dinaya siya sa eleksiyon at dapat magalit ang mga inagawan ng kanilang boto.


Maaalala natin ang sinabi ng Propaganda Officer ni Hitler na si Joseph Goebbels, “Basta’t ulit-ulitin mo lang ang kasinungalingan, ito’y magiging totoo na.” At ito ang bulok at nakabubulok na kasinungalingan. Ito nga ang “truth decay.”


Umiingay at unti-unting tumatahimik hanggang sa iba na naman ang uugong sa balita. Maingay pa rin ang pulitika sa Estados Unidos. Marami pa ring nangyayari at mangyayari pa rin. Maghahari kaya ang katotohanan at hihigitan pa kaya nito ang pulitika ng mga partido: Republican vs Democrats?


Mahalaga para sa mga Amerikano ang mga natitirang araw bago matapos ang termino ni Trump. Mahalaga ang mga unang araw ng taong ito para sa mga Pilipino. Matuto na at magising na tayo bago mabulok at bumulok ang “pekeng katotohanan”… ang kasinungalingan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page