Ang tatlong mukha ng pananampalataya
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 22, 2026

Naimbitahan tayo ng “Formation Ministry” ng Diyosesis ng Cubao noong nakaraang Biyernes, ika-20 ng Marso, upang magbahagi tungkol sa naging pangunahing paraan ng paglilingkod bilang pari. Ang pamagat ng panayam ay “Faith in the Public Square,” na isinalin natin bilang “Pananampalataya sa mga Patyo at Lansangan.” Sa unang bahagi ng panayam, ipinaliwanag natin ang ilang aspeto ng ating pag-unawa sa pananampalataya.
Ibinahagi natin ang kabuuan ng ating karanasan sa loob ng limampu’t anim na taon, mula 1970 hanggang 2026—mula nang pumasok tayo sa seminaryo sa edad na labinlimang taon hanggang sa kasalukuyan. Hinati natin ang karanasang ito sa tatlong mahalagang yugto: pakikinig at pag-aaral (listening and learning), paghuhubog—pormal man o impormal—at pag-oorganisa.
Marami ang naganap sa loob ng panahong ito: mula sa Martial Law hanggang sa People Power Revolution, at mula sa mga pangako ng pagbabalik ng demokrasya sa panahon ni Cory hanggang sa unti-unting paglaho ng mga pangarap ng mapayapang rebolusyon. Sa lahat ng ito, sinikap nating makinig, matuto, mag-aral, at mahubog. Sa gitna ng mga krisis na gumugulo sa pulitika at nagpapahina sa ekonomiya, napatunayang mahalaga ang pagpapalakas at pag-oorganisa sa taumbayan at iba’t ibang sektor.
Marami ang sanay sa tradisyonal at konserbatibong pananampalataya—nakatuon sa mga debosyon, nobena, at panalangin. Subalit kinakailangang lumago at magbago ang pananampalataya. Dapat itong matuto mula sa karanasan at magbunga ng pagkilos. Kaya mahalagang organisahin ang taumbayan upang maisulong ang makabuluhang pagbabago.
Kaugnay nito, ibinahagi natin ang mas malalim na pag-unawa sa pananampalataya—hindi lamang bilang pagtanggap sa itinuturo ng Simbahan, kundi bilang isang buhay na karanasan na patuloy na hinuhubog ng pakikinig, pag-aaral, at pakikibahagi sa lipunan.
Hinati natin ang pananampalataya sa tatlong bahagi.
Una, ang ganap na pagbubukas ng sarili sa Espiritu at biyaya ng Diyos. Hindi lamang isip o kaluluwa ang sangkot, kundi ang buong pagkatao—kabilang ang pandama—sa pagdanas at pagnamnam sa Diyos, sa Kanyang Salita, at sa halimbawa ng Kanyang Anak.
Ikalawa, ang “pala” o pagpapala, na may tatlong kahulugan: una, ang biyayang nagbibigay-lakas mula sa Diyos; ikalawa, ang “pala” bilang pag-unawa—ang pagkamulat na “kaya pala”; at ikatlo, ang “pala” bilang paghuhukay o masusing paghahanap ng katotohanan at diwa ng pananampalataya.
Ikatlo, ang “taya”—ang ganap na pag-aalay ng sarili. Ito ay ang kahandaang mag-risk, mag-commit, at ibigay ang sarili nang buong-buo alang-alang sa Diyos at kapwa.
Sa ganitong pag-unawa, malinaw na ang pananampalataya ay hindi simpleng konsepto lamang. Ito ay isang masigla at mapagpalayang karanasan. Ang tunay na nananampalataya ay hindi umaayaw; sa halip, siya ay handang magbigay at magtaya dahil sa malalim na pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.
Sa nagdaang limampu’t anim na taon, hindi rin nawala ang mga nakapanghihinang karanasan. Ngunit sa kabila nito, nananatili tayong handang maglingkod, makiisa, at magtaya para sa taumbayan at iba’t ibang sektor.
Hindi madali ang paglilingkod sa “mga patyo at lansangan.” Hindi rin madaling maunawaan at tanggapin ang pari ng lahat. Maraming hinihingi ang ganitong bokasyon—hindi lamang pag-ayon ng isip o damdamin, kundi ang buong pusong pag-aalay ng sarili.
Sa huli, dahil sa biyaya ng Diyos, nagiging posible ang lahat. Nagiging handa tayong ibigay ang panahon, lakas, at maging ang buhay—nang may galak at sigla. Sapagkat sa wagas na paglilingkod, hindi lamang tayo ang napapalaya, kundi pati ang iba. Amen.




Comments