top of page

Ang proseso ng extra-judicial foreclosure of mortgage (sangla)

  • BULGAR
  • Aug 28, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 28, 2022


Sa mga pagkakataon na ang nagsangla ay hindi na makabayad sa kanyang mga pagkakautang, ang ari-arian na kanyang iprenenda o garantiya ng kanyang pagkakautang ay maaaring ibenta ng taong pinagsanglaan upang gamitin ang pinagbentahan bilang bayad ng halaga ng inutang. Upang bigyan ng kaayusan ang nasabing pagbebenta ng bagay na isinangla, ipinasa ng Korte Suprema para sundan ng lahat ng clerks of court bilang ex-officio sheriff sa isang extra-judicial foreclosure of mortgage. Ito ay ang A.M. No. 99-10-05-0 Re: Procedure in Extra-Judicial Foreclosure of Mortgage.


Ang extra-judicial foreclosure of mortgage ay isang paraan, kung saan ang pinagsanglaan, matapos na hindi makabayad ang nangutang ay ibebenta ang ari-ariang isinangla upang maging kabayaran ng halagang inutang.


Nakapaloob sa nasabing issuance ng Korte Suprema ang mga proseso na susundan ng bawat panig upang maging maayos ang pagbebenta ng mortgaged property. Kadalasan na gumagawa nito ay ang mga financing institutions at bangko.


Sang-ayon sa A.M. No. 99-10-05-0, ang lahat ng aplikasyon para sa extra-judicial foreclosure of mortgage ay kailangang maisumite sa executive judge sa pamamagitan ng clerk of court ng Regional Trial Court. Ang mga sumusunod ang prosesong dapat maipatupad:


1. Obligasyon ng clerk of court na tanggapin at ilagay sa docket ang nasabing aplikasyon at tatakan ito ng file number, at ng oras at petsa ng pagsumite;

2. Pagkatapos na tanggapin ang nasabing aplikasyon, ang kaukulang filing fees ay babayaran ng naghain ng aplikasyon;

3. Kapag ang ibebenta ay real property, tungkulin din ng clerk of court na suriin kung ang naghain ng aplikasyon ay sumunod sa mga requirements bago ang public auction ay maisagawa sa direksyon ng sheriff o notary public alinsunod sa Seksyon 4 ng Act No. 3135, as amended;

4. Ang clerk of court ay maglalabas ng certificate of sale pagkatapos ng pag-sang-ayon ng executive judge o ng vice-executive judge kung wala ang nauna;

5. Pagkatapos ng pagbigay ng certificate of sale sa pinakamataas na bidder, itatago ng clerk of court ang kumpletong rekord ng extra-judicial foreclosure sale habang hinihintay ang anumang redemption ng nagsangla sa loob ng isang taon mula sa araw ng pagrehistro ng certificate of sale sa kaukulang Registry of Deeds.

6. Ang lahat ng notices ng auction sale ay kinakailangang maipagbigay-alam sa publiko at mailathala sa newspaper of general circulation;

7. Lahat ng aplikasyon para sa extra-judicial foreclosure of mortgage ay ira-raffle sa lahat ng sheriff kasama ang mga nakatalaga sa Office of the Clerk of Court at Sheriff IV na nakatalaga sa mga branches ng Regional Trial Court;

8. Ang auction sale ay dapat lahukan ng dalawa o higit pang bidders. Kung walang dalawang bidders, ang auction sale ay ipagpapaliban sa ibang petsa. Kung sa sumunod na petsang itinalaga para sa auction sale ay wala pa ring dalawang bidders, itutuloy ang nasabing bentahan;

9. Ang mga pangalan ng bidders ay iuulat ng sheriff o ng notary public na nagsagawa ng auction sale sa clerk of court bago ang pagbibigay ng certificate of sale.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page