Ang pinakamasakit daw na hiwalayan, Diego… "'YUNG HINDI NAGSABI AT ALL, CLUELESS!" — BARBIE
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | February 16, 2022

Interesting ang The Goodbye Girl series na isinulat ni Noreen Capili dahil relatable ang kuwento ng bawat karakter na ginagampanan nina Angelica Panganiban, Loisa Andalio, Maris Racal, Elisse Joson at Barbie Imperial na nagsimula nang umere nitong Pebrero 14 mula sa direksiyon ni Derick Cabrido for iWantTFC at produced ng Dreamscape Entertainment at CleverMinds, Inc..
Sabi pa ni Noreen, kahit anong antas sa buhay ay makaka-relate sa The Goodbye Girl. At base sa trailer, oo nga, kasi kani-kanyang kuwento ng buhay-pag-ibig ang bawat karakter.
At dahil Goodbye Girl ang titulo ay natanong sina Barbie, Loisa, Elisse at Maris — minus Angelica dahil hindi nakadalo sa ginanap na virtual mediacon — kung paano sila naggu-goodbye sa taong minahal nila at ano ang pinakamasakit na way of saying goodbye?
“Depende sa sitwasyon,” mabilis na sagot ni Loisa sabay tawa.
Hirit ni Barbie, “I think ‘yung hindi nagsabi at all (hiwalay na), clueless. Siguro, akala mo, medyo maayos, tapos nawala, parang ganu’n, masakit.”
Para kay Elisse, “Maybe pinakamasakit ‘yung okay, napag-usapan n’yo ‘yung breakup n’yo in good terms kayo, tapos malalaman mo lahat ng hindi maganda.”
Dagdag ni Barbie, dahil nagla-lag si Elisse, hindi masyadong naintindihan ang sinabi nito.
“Good breakup kayo, malalaman mo, may disrespect na nangyari. So, parang mababalewala ‘yung good breakup na sana, hindi mo ginawa kahit wala na tayo, kasi respeto pa rin ‘yun.”
At si Maris, “Ako, ‘yung goodbye na pinatagal mo pa. Sana, nag-goodbye ka na lang agad ‘coz na-waste ‘yung time mo. ‘Yung time na ‘yun, sobrang precious, sana kasi, ma-explore mo ‘yung mundo on your own. But when you're stuck in a relationship na umaasa ka na positive ‘yung outcome, but then tama lang din pala ‘yung expectation mo few years back, so, sana nag-goodbye na lang agad.”
Sabi ulit ni Loisa, “'Yung mahal n’yo pa ang isa’t isa pero kailangan n’yong mag-goodbye.
Ayokong maranasan ‘yun, ang sakit nu’n. Para sa growth n’yo siguro, kailangan n’yong mag-separate pero mahal n’yo ang isa’t isa. Kung sa akin mangyari ‘yun, ang hirap.”
Sa apat na dumalo sa mediacon ay sina Loisa at Maris pa lang ang masasabing may BF-GF relationship. Kaya ang tanong ay ano ang mga ipinagpapasalamat nina Loisa at Maris na sina Ronnie Alonte at Rico Blanco ang naging boyfriend nila?
“Marami akong bagay na ikinage-grateful, kasi si Rico ‘yung partner ko, kasi sobrang pina-prioritize niya ‘yung mental health, like anything na problem ko o problem niya, napag-uusapan namin at naiintindihan namin ang isa’t isa. So, ‘yung factor na ‘yun, sobrang ganda ng naidudulot niya sa relationship namin,” kuwento ni Maris.
Si Loisa naman, “Ganu’n din, malaking tulong din sa akin si Ronnie kasi may mga problema rin ako na hindi ko rin alam kung paano ko malalagpasan kung wala rin siya. So, napakalaking factor talaga sa buhay ko si Ronnie at partner talaga, kaya sobrang grateful ako sa kanya.”
Ano naman ang natutunan nina Barbie at Elise pagdating sa love at paano sila binago considering na may anak na ang huli sa boyfriend niyang si McCoy de Leon at ang una naman ay kahihiwalay lang kay Diego Loyzaga?
“Ako, may mga bagay talaga na hindi mo puwedeng ipilit at that point in your life. So, time is a big part on it. I’ve learned that over the past years. Hindi mo puwedeng ipilit kung hindi pa para sa ‘yo at this time,” paniniwala naman ni Elisse.
Sabi naman ni Barbie, “Isa sa biggest lessons ko pagdating sa love is learn to let go. Kasi minsan, hindi na rin enough ‘yung mahal ninyo ang isa’t isa like if wala nang growth, wala na kayong naiaambag sa isa't isa, para saan pa ‘yung relationship, 'di ba, kung puro away at pangit ‘yung nangyayari kahit mahal n’yo ang isa’t isa? Kailangan mo talagang i-let go or else, mawawala ka sa sarili mo.”
Ang ganda-ganda ng kaswal na tsikahan ng apat na aktres sa ginanap na hugot lines mediacon para sa The Goodbye Girl at ang laki na ng mga nabago sa kanila simula noong lumabas sila sa Bahay ni Kuya.
Yes, lahat sila ay nagsimula bilang PBB housemates sa magkakaibang season.
Samantala, kasama rin sa The Goodbye Girl sina Rico Blanco, Turz Daza, Joshua Colet, Ronnie Alonte at JC de Vera na nagsimulang mapanood sa iWantTFC.





Comments