Ang Pasko sa kulungan at ang pagdalaw ng diyos sa mga preso
- BULGAR
- Dec 24, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 24, 2023
Nang lumaya si dating Senadora Leila De Lima noong nakaraang Nobyembre 13, 2023, nanumbalik ang mga alaala ng pagkakakulong ko sa mga nagdaang taon.
Nang makausap ko ang isang kaibigang nakulong ng anim na taon noong panahon ng Martial Law, ipinaalala niya sa akin kung gaano kapait ang bawian ng kalayaan. Isang araw o isang taong pagkakakulong ay parehong masakit. Maski na isang araw lang na tanggalin ang iyong kalayaan, damang-dama mo ang sakit ng pagkawala ng lubhang mahalagang bahagi ng ating pagkatao, ang ating kalayaan.
Dahil sa aking pagkakakulong sanhi ng aking maalab na paninindigan, ganu’n na lang kahalaga sa akin ang anumang may kinalaman sa preso, detention center, piitan sa mga prisinto ng pulis, kulungan sa mga kampo militar at kulungan sa kampo ng kapulisan.
Ilang araw na ang lumipas nang tumawag sa akin ang isang kaibigan na nag-aanyayang samahan ko ang kapatid niya na namumuno sa Restorative Justice Ministry sa Parokya nito. At maski na gipit at masikip ang aking iskedyul sa mga araw na papalapit ang Pasko, hindi ako nahirapang umoo. Kaya nagmisa tayo sa Quezon City Jail noong nakaraang Huwebes , Disyembre 21, 2023, sa ganap na alas-4:30 ng hapon.
Punung-puno ang kulungan mula sa “patio” sa gitna, kung saan tinitipon ang ilang pangkat para bigyan ng mga kawani ng BJMP ang mga detenido hanggang sa mga pasilyo sa ikalawang palapag ng preso.
Sa harapan kami ng mga nakaupo sa patio nag-ayos ng altar. Sa gawing kaliwa ko nakapuwesto ang koro. Nasa tabi ng koro, ang basahan kung saan nakatayo ang “commentator” na matagal ko nang nakikita tuwing nagmi-misa ako sa Quezon City Jail.
Natanong ko ang detenido kung malapit na siyang lumaya. Sagot nito, “Malapit na po ako ilipat sa New Bilibid Prison dahil “convicted” na ako sa aking kaso”.
Nagsimula na ang misa bandang alas-4:45 ng hapon. Sa pambungad ng misa, binati ko sa kakaibang paraan ang lahat ng mga nakaupo sa baba, mga gilid, sa mga pasilyo sa pangalawang palapag, “Mga KA-KOSA, kumusta na kayo?” Malakas at mariin ang aking tanong, kaya ganu’n ding kalakas at kadiin ang kanilang sagot. Kapansin-pansin ang saya at pagtanggap ng karamihan ng mga naroroon sa kakaibang bati ng isang pari, “mga ka-kosa”. Iisa tayo, hindi tayo iba.
Kaya’t ipinaliwanag ko kung paano naging karaniwang preso ako mula ika-29 hanggang ika-31 ng Mayo 2002. Napakaikli ng aking pagkakakulong noon sa kasong “libelo” na isinampa sa akin dahil sa ipinahayag kong katotohanan tungkol sa pagpatay sa aking pamangkin ng anak ng isang prominenteng pulitiko.
Malinaw na kabalintunaan ang makulong sa pagsabi ng totoo samantalang ang tunay na nagkasala, na marami nang nagawang malalaking kasalanan ay ni isang minuto ay hindi nakita ang loob ng anumang kulungan.
Ka-kosa dahil tulad ng maraming naroroon, biktima rin ako ng mahina at kumpromisadong sistema ng katarungan sa ating bansa. Damang-dama ko sa loob ng maikling tatlong araw ng pagkakakulong ang seryosong krimen ng isang sistema ng katarungan na nagpaparusa sa inosente samantalang ang mga tunay na may sala ay malaya at protektado ng sistema (ng katarungan).
Pinaalala ko sa lahat ang kamakailang paglaya ng kilalang ka-kosa din naming si dating Senadora Leila De Lima. Nakulong ang naturang dating senadora dahil sa inimbentong testigo umano ng mga tinakot at ginamit na mga preso sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Kaya’t pinayuan ko ang mga ka-kosa na huwag na huwag pagagamit sa mga pulitiko, kahit na nananakot ang mga ito. Alam kong mahirap gawin ang aking pakiusap. Ano ang magagawa ng maliit na preso sa harapan ng opisyal na may tunay na kapangyarihan at kayamanan?
Nabanggit ko rin sa omeliya ang problema ng RA 9165 o ang batas laban sa droga, na nagsasabing makukulong ang sinumang mahulihan ng limang gramo ng shabu mula 12 hanggang 20 taon. Malinaw na kung ikaw ang gumagamit ng droga, maliban sa krimen, may problema kang pangkalusugan.
Rehabilitasyon at hindi kulong ang higit mong kailangan. Kailangang-kailangang repasuhin at baguhin ang batas na ito. Sa puntong ito tinanong ko at hiningi kong magtaas ng kamay ang lahat na may kasong droga. Nang nagtaasan ng mga kamay ang mga preso, kakaunti ang hindi nagtaas ng kamay. Malinaw na malinaw na karamihan ng mga naroroon ay droga ang kaso.
Ang ebanghelyo sa misa noong nakaraang Huwebes ay ang pagdalaw ni Maria kay Elizabeth. Sila ang dalawang pinagpala ng Diyos na tumanggap ng mapaghimalang biyaya. Ang matandang baog na at ang walang asawa ay parehong naglilihi.
Napakaimposible! Ngunit nagbigay puri si Maria, “Napakadakila ng Diyos. Walang imposible para sa kanya. Ako’y Kanyang abang lingkod”.
Maraming preso na hindi na masyadong nadadalaw ng mga kamag-anak. Ngunit tinanong ko sa lahat kung dinadalaw sila ng Diyos. Malakas at dumadagundong sagot ng lahat, “Opo!!!”
At ‘di ba ito ang kahulugan ng Pasko? At ngayon palang at araw-araw ay Pasko sa Quezon City Jail dahil araw-araw, minu-minuto dinadalaw ng Diyos ang maliliit na nasa mga piitan. Maligayang Pasko po sa lahat!!!








Comments