top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Ang paliwanag ng facebook

BULGAR
May 2, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 2, 2022


Mabilis na tumalima ang Facebook matapos nating hilingin ang kanilang paliwanag hinggil sa sunud-sunod na nangyayaring pagtatanggal nila ng mga post ng tanggapan ng pamahalaan at ilang opisyal sa kanilang social media platform.


Ang binabanggit kong pagtugon ng FB ay hango lamang sa ulat ng ilang pahayagan at hanggang ngayon ay hinihintay pa rin natin ang pormal nilang paliwanag sa ipinadala nating sulat o maaari rin silang makipag-ugnayan sa atin nang personal para mas maliwanagan ang lahat.


Bilang Chair ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ay kinailangan nating kumilos dahil sa dumagsa ang mga sumbong mula sa marami nating kababayan dahil sa umano’y walang habas na panghihimasok ng FB sa kanilang mga post na tila nagkakaroon na ng censorship.


Sa mga hindi nasubaybayan ang mga detalye ng pangyayaring ito ay umalma na kasi ang mga pinakahuling biktima ng FB na bigla na lamang sinuspinde ang kanilang account sa naturang social media platform nang walang sapat na basehan.


Nitong huli ay napansin kong tila may malisya nga ang isinasagawang pagsususpinde sa mga account dahil tila may direksiyong pulitika ang tinatahak na labis na pinagdududahan ng ilan nating kababayan.


Binalikan ko isa-isa ang mga unang nagreklamo laban sa FB at nakita kong may mga dapat ngang malaman ang mga naging biktima ng suspensiyon tulad ng ginawa nilang pagpigil at pagkuwestiyon sa lehitimong mensahe at gawain ng pamahalaan, kabilang na ang ating National Security Adviser at ang Philippine News Agency.


Kahit ang kapaki-pakinabang na post ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Popoy De Vera hinggil sa libreng edukasyon sa bansa ay hindi nakaligtas sa FB na basta na lamang naglabas ng pag-block ng post o suspensiyon.


Mula rito ay nakumpirma kong napakarami na pala ng naging biktima ng sitwasyon, na ang higit pang umagaw ng aking atensiyon ay ang pagkakasunud-sunod ng hanay ng mga nasuspinde ang account na tila may kulay-pulitika na.


At kung paiiralin ko lamang ang aking emosyon ay lumalabas na isa itong pagsupil sa malayang pamamahayag sa bansang umiiral ang demokrasya tulad ng sa atin at natural lamang na hindi natin payagan ang mga ganitong pangyayari.


Ngunit tulad ng paliwanag ko sa maraming interview ay binigyan pa rin natin ang FB at Meta ng ‘benefit of the doubt’ sa pag-asang baka naman ‘in good faith’ ang kanilang ginagawa sa kabila ng maugong na pagkondena sa kanilang platform na umiiral umano ang partisan politics.


Kaya agad kong pinadalhan ng sulat ang country director ng Facebook Philippines na si John Rubio upang magpaliwanag at mabilis naman silang tumugon sa maituturing na iskandalong ito sa FB.


Bahagi ng kanilang paliwanag ay kinakitaan umano ng ‘technical irregularity’ ang ilang government at non-government websites na naging dahilan ng ‘automated blocking’ ng shared links sa Facebook at Meta na tila sinasabi nilang walang human intervention kaya hindi sinasadya.


Sinabi pa nilang ang nagaganap na automated blocking ay bahagi lamang umano ng kanilang preventive security measure at naisaayos na umano nila ang isyung ito at patuloy pa nilang imo-monitor upang hindi maganap ang potential cyber security threats sa pamamagitan ng automated system na tumutukoy sa mga malisyosong aktibidades sa FB.


Sa kasalukuyan umano ay may direkta nang pakikipag-ugnayan ang kanilang kompanya sa mga naapektuhang government agencies at ipinapaliwanag nila ang kanilang natagpuang problema kaya nauwi sa hindi paborableng aksiyon.


Niliwanag din ng Meta na ang mga apektadong website links at content ay hindi nai-flag ng kahit anong third-party checking partners dahil hindi naman sila nagtatanggal ng accounts, content o pages mula sa Meta’s apps.


Nag-aalis lamang umano ng content ang Meta kung nagkaroon umano ng paglabag sa community standards na hiwalay sa fact-checking program at kapag binigyan naman umano nila ng false rating ang isang content ay binabawasan nila ang content’s distribution para mabawasan din ang makakita.


Masyadong malawak ang paliwanag ng FB at Meta—hindi nila inisa-isa ang ipinupukol na isyu hinggil sa partisan politics at sa halip ay binigyan nila ng bigat ang usaping teknikal na ang tanging layon lamang umano ay makapagbigay ng maayos na serbisyo.


Magkagayunman ay pinasasalamatan natin ang FB dahil sa mabilis nilang pagtugon at hindi naman tayo para makipagmagalingan pa dahil ang nais lang naman natin ay maaksiyonan ang problemang ito na pansamantala ay muli nating paiiralin ang ‘benefit of the doubt’.


Kinikilala rin natin ang mga naging hakbang ng Facebook at Meta laban sa disinformation, bullying, paghahasik ng hidwaan at terorismo sa pamamagitan ng paglalatag ng mga mekanismo at community standards, pero sana lang ay ipataw nang parehas sa lahat.


Nawa ay simula na ito para maalis sa isipan ng publiko na mayroong pulitikang pagkiling ang platform na ito at hindi na maulit pa ang ganitong mga pangyayari na inakala ng marami na mula lang sa iisang panig ang nawawalan ng account.


Masyadong sensitibo ang taumbayan dahil nalalapit na ang eleksyon at nakararanas sila ng hapdi kapag nararamdaman nila na ang isang pribadong kumpanyang tulad nito ay nanghihimasok at kumikiling pa sa usaping pulitika.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page