Ang paglalakabay ng sangkatauhan sa gitna ng pandemya at karahasan

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| February 6, 2021
Sa paghahanda natin sa pagsusulat ng pagninilay na ito, nabasa natin ang ebanghelyo noong Huwebes. Tungkol ito sa pagpili ni Hesus sa 12 at sa mga tagubilin Niya sa kanila kung bakit at paano sila maglalakbay… At nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid upang magturo. Tinawag niya ang 12 at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.”
Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan — manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang ‘yun. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon. Kaya’t humayo ang 12 at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.” (Marcos 6: 7-13)
Kung hindi nagtuturo, nagpapagaling ng may sakit o nagpapalaya ng masamang espiritu, siya ay makikitang naglilibot o palaging naglalakad.
Walang tigil ang paglalakbay ng ating Panginoon. At sa Kanyang pagpili ng mga unang kasama, pinili Niya ang mga maglalakbay at mangangaral tulad Niya. Mahigpit, mahirap ang Kanyang hinihingi sa mga nais maglakbay kasama Siya.
Una, kaunti lang ang kanilang mga dala—halos wala nga. Walang pangalawang damit, walang pera at pagkain. Eh, ano kaya ang madadala ng kanyang mga tagasunod kung ang pinaka-mahalaga ay hindi na nila dala? Malinaw na halos wala na nga silang dala kundi ang pananampalataya sa Diyos at ang misyon na pinagkaloob ng Diyos sa kanila.
Tinuruan din sila ni HesuKristo kung paano haharapin ang mga pagsubok tulad ng mga taong hindi maniniwala at baka ipagtabuyan pa sila. Kung ganito ang mangyari, kailangan nilang pagpagin ang alikabok sa kanilang mga paa. Sa madaling salita, hindi dapat managhili at manatili sa tampo o sama ng loob. Sa halip, handa ang taga-sunod ni HesuKristo na umalis at kagyat magpatuloy sa kanyang misyon at paglalakbay.
Noong Huwebes ng umaga, kinailangan nating dalawin ang ilang parokya upang bigyan ng poster at impormasyon para sa pandaigdigang araw ng panalangin laban sa Human Trafficking. Sa pag-iikot natin, napakarami nating nakita sa paligid. Paulit-ulit lumilitaw ang mga tarpaulin na laban sa komunismo at terorismo. At ngayon dinagdagan pa ng mga tarpaulin na sumusuporta sa Anti-Terror Bill. At malinaw na lahat ito ay bahagi ng mga tungkulin ng Nationa Task Force to End Local Communist Armed Conflict (o NTF-ELCAC) na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018.
Naganap noong Miyerkules ang pagpapaliwanag ng mga kinatawan ng 37 grupo na tumututol sa Anti-Terrorism Law. Matindi ang ugong ng isyung ito. Isa pang maingay na isyu ay ang patuloy na pambu-bully ng China sa West Philippine Sea nang pinahintulutan nitong gamitan ng dahas ang anumang dumaan sa nasasakupan nilang West Philippine Sea na pinalawak ayon sa kanilang 9 Dash Line. Kung titingnan ang mapa ng 9 Dash Line, halos dikit na ang isang bahagi nito sa kahabaan ng Pilipinas mula Aparri hanggang Jolo. Malinaw ang sadyang pananakop na hangad nito. Isa pang maugong na hindi mamatay-matay ang ingay ay ang kontrobersiyal na bakuna. Sobrang tagal magpasya ng pamahalaan na tila mauubusan na tuloy ng kinakailangang bakuna para sa mamamayan. Kaya’t sa bagal ng national government, marami nang lokal na pamahalaan na bumibili at lumalagda ng kontrata sa iba’t ibang pharmaceuticals na nagbebenta ng bakuna.
Sa ating paglalakbay noong Huwebes, napadaan tayo sa UP Diliman at habang naglalakad tayo sa loob ng campus, habang iniisip natin ang maiingay at mauugong na isyu, muli nating nakita ang kahalagahan ng bukas, malawak at luntiang espasyo. At doon, walang nagkalat na propaganda at artipisyal na pinauugong at pinaiingay na mga isyu.
Ito ang malinaw na kailangan sa paglalakbay ng sangkatauhan sa gitna ng pandemya at karahasan, hindi lang ang kaligtasan sa panghihimasok ng mga sundalo at pulis kundi ang tunay na kalayaan ng malinis at malayang pagkatao sa bukas, malawak at luntiang espasyo sa labas at loob ng bawat Pilipino.





Comments