top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Ang pag-usbong ng mga bagong liga ng Basketball sa pandemya

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 4, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 04, 2022







Matapos ang dalawang dekada nang magsara ang Metropolitan Basketball Association (MBA), umusbong ang mga bagong ligang propesyunal sa Basketball nitong 2021 upang samahan ang institusyon na Philippine Basketball Association (PBA). Isa-isang nakakuha ng basbas mula sa Games and Amusements Board (GAB) ang National Basketball League (NBL), Women’s National Basketball League (WNBL), Pilipinas VisMin Super Cup at bago magwakas ang taon ay humabol ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).


Sabay binuksan ng NBL at WNBL ang unang taon bilang mga pro noong Hulyo 17 sa San Fernando, Pampanga. Makasaysayan ang WNBL bilang pinakauna at nag-iisang ligang pro para sa kababaihan.


Dumaan sa maraming pagsubok ang magkapatid na liga hanggang koronahan bilang mga unang kampeon ang Pampanga Delta at Paranaque Lady Aces noong Dis. 5.


Noong araw na iyon, gumawa rin ng sariling kasaysayan ang Uratex Dream bilang pinakaunang kampeon ng WNBL 3x3.


Inabangan ng husto ang simula ng Super Cup, ang tanging ligang pro buhat sa Visayas at Mindanao. Subalit napalitan ang saya ng galit matapos maeskandalo sa game-fixing sa ika-apat na araw ng aksiyon sa laro noong Abril 14 sa pagitan ng Siquijor Mystics at ARQ Builders Lapu-Lapu Heroes sa Alcantara, Cebu.


Matapos ang imbestigasyon, nagpataw ang liga at GAB ng parusa sa ilang manlalaro at coach. Natapos ang torneo sa pagtanghal sa KCS Computer Specialist Mandaue bilang kampeon noong Mayo subalit dahil sa eskandalo, natagalan bago palaruin ang mga koponan sa Mindanao.


Naghintay hanggang Hulyo bago maglaro sa Mindanao at hindi nag-aksaya ng panahon ang Basilan Peace Riders na walisin ang torneo patungo sa kampeonato. Hindi nagpreno ang Basilan at binlangko ang KCS sa best of five series para sa overall championship.


Binuhay muli ang MPBL noong Dis. 11 hanggang 23 sa MOA Arena. Matapos maghari sa Super Cup, hari ng MPBL ang Basilan sa bisa ng 83-80 OT na panalo sa Nueva Ecija Rice Vanguards salamat sa 3-points ni Philip Manalang sa huling busina. Sa pagpasok ng 2022, malaking hamon sa mga bagong liga na ito na ulitin o higitan ang mga natamasang tagumpay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page