top of page
Search
  • BULGAR

Ang mamanahin ng sunod na administrasyon

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 1, 2022


Nais ni Finance Secretary Sonny Dominguez na isara at ibenta ng sunod na administrasyon ang lupa kung saan nakatayo ang NAIA para mabayaran ang napakalaking utang ng bansa.


Nasa higit P13 trilyon na ang utang na mamanahin ng susunod na administrasyon.

Napakalaki pala ng lupa ng NAIA. Nasa 646 na ektarya.


Ayon kay Ramon Ang na siyang namumuhunan sa ginagawang bagong paliparan sa Bulacan, isara ang NAIA sa loob ng sampung taon at ibenta sa halagang dalawang trilyong piso para makabawas sa utang.


Matagal nang isyu ang pagsara ng NAIA at ilipat ang pangunahing paliparan sa ibang lugar.


Ang plano noon ay sa Clark ilipat. May planong Northrail sa pagitan ng Metro Manila at Clark para sa mga pasahero. Pero ibinasura ang kontrata noong administrasyon ni Noynoy Aquino dahil sa mga anomalyang nakita sa proyekto.


Panahon ni Arroyo nang nilagdaan ang kontrata sa pagitan ng gobyerno at mga kumpanya sa China.


Ayon kay Dominguez, malayo masyado ang Clark kung wala ring mabilis na tren na magdadala sa mga pasahero. Kaya ang paliparan sa Bulacan na lang ang inaasahan. Tatlumpu’t limang kilometro lamang ang layo sa NCR.


Sa 2024 pa yata magagamit ng publiko kung hindi ako nagkakamali.


Masabi ko lang na kung sakaling tuluyang isara at ibenta na ang NAIA ay maglagay ng rebulto o palatandaan kung saan pinatay si Ninoy Aquino. Hindi dapat mabura ang naganap d'yan. May mambabatas nga na nais tanggalin na sina Ninoy at Cory sa limandaang pisong pera dahil “divisive” daw.


Malinaw na ayaw lang sa mga Aquino. Ayaw bigyan ng kahalagahan ang pagkapatay sa kanya na naging mitsa ng EDSA. Ganyan na yata ang uso ngayon, burahin ang kasaysayan kung hindi mo gusto.


Hindi nababahala si Benjamin Diokno, ang papasok na kalihim ng Department of Finance sa malaking utang ng bansa at kayang bayaran daw ito.


Mas tututukan ang tamang pagbayad ng buwis kaysa magpataw ng mga bagong buwis.

Hindi na siya dapat lumayo kung ganun lang. Hahabulin naman kaya ng bagong BIR ang daan-daang bilyong pisong utang na buwis ng pamilya ng nakaupong pangulo ng bansa? Ano sa tingin n'yo?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page