top of page

Ang magmahal sa kapwa ay pagmamahal sa Diyos

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 16
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 16, 2025



Fr. Robert Reyes


Noong Setyembre 26, 2009, habang rumaragasa ang Bagyong Ondoy, binawian ng buhay ang isang binatilyong 18-taong gulang sa gitna ng pagliligtas ng mga tinatangay ng baha. Nailigtas ng binatilyo ang humigit-kumulang 30 indibidwal. Siya si Muelmar “Toto” Magallanes, ang kinikilalang “bayani ng Ondoy.”


Si Dion “Gelo” Angelo dela Rosa, 3rd year college student, at 20-taong gulang lang. Hindi umuwi si Jason, ang kanilang ama noong Hulyo 22. Ngayon lang ito nangyari kaya’t agad-agad hinanap ni Gelo ang kanyang ama sa gitna ng ulan at baha. Pagkaraan ng tatlong araw na paghahanap sa mga barangay hall, presinto ng pulis natagpuan ni Gelo ang kanyang ama sa Sangandaan Police Station. Ito pala ay nahuling nagka-kara krus, isang ipinagbabawal na sugal (ng mahihirap). Hindi ipinagbigay-alam ng mga pulis sa pamilya ng kanilang hinuli dahil ayon sa kanila hindi ito ipinakiusap ni Jason. “Kapani-paniwala ba ang paliwanag na ito?” tanong ni Kardinal Ambo David. 


At nang matagpuan na ni Gelo ang kanyang ama, sinimulan na nitong tulungan itong makalabas. Una, kailangang maghanap ng P30,000 na hinihinging piyansa ng mga pulis. Pangalawa, kailangang dalhan ng pagkain araw-araw. Pangatlo, pang-apat, panglima mga dahilan, pero hindi tumigil sa paghahanap ng tulong si Gelo hanggang noong Hulyo 27, 2025, dalawang araw matapos matagpuan niya ang kanyang ama, nanghina, nilagnat at tuluyan nang binawian ng buhay si Gelo. Bakit? Tinamaan ng leptospirosis. Isa pang bayaning maituturing si Gelo, at ganito ang buod ng isinulat ni Kardinal David tungkol sa isang sakristan na taga-Longos, Malabon.


Noong Agosto 4 naman, natagpuang hindi na kumikilos si Wilma Auza sa bus na sinakyan nito mula Cebu patungong Dumaguete. Pauwi si Wilma mula Japan upang dalawin ang kanyang pamilya. Puno ng mga regalo ang kanyang maleta para sa kanyang pamilya. Ito ang sabi ng isang post: “Puno ng regalo ang kanyang malate, ngunit walang nakakita ng hirap, pagod, loob ng puso ni Wilma sa at anupamang naging dahilan ng paghinto nito.” 


Libu-libong OFW ang kinakatawan ni Wilma. Karamihan ng ating mga kababayang OFW ay nagtitiis ng hirap hindi lang ng katawan kundi ng isip, kalooban maging kaluluwa. Alam natin ito dahil naging OFW din po tayo. Ilang OFW ang nagkasakit at namatay sa ibang bansa. Ilang OFW ang nagka-kaso, totoo man o hindi, nakulong at may iba nabitay pa, tulad ni Flor Contemplacion. 


Ilang OFW ang nahiwalay sa asawa, nawalan ng anak at tuluyang nagkagulo na ang pamilya. Ilang OFW ang umuwing walang-wala dahil sa pagkakabaon sa lahat ng uri ng utang sa ibang bansa. 


Mahaba ang listahan ng mga pinagdaraanan ng mga OFW na kapalit ng malaki-laking sahod. Kapit sa patalim at umaasang makaiwas sa kapahamakan at makauwing malusog at buhay. 


Sana nga maganda ang mangyari sa karamihan sa ating mga kababayang OFW. Ngunit alam ng lahat ng naging OFW ang mga sari-saring panganib na kailangang harapin sa paghahanapbuhay sa ibang bansa. Tibay ng loob, lalim ng pananalig, tamang pagdedesisyon ang mga sandatang kailangang dalhin ng bawat OFW sa kanyang pakikibaka abroad. Tiyak kong dala-dala ang tatlong ito ni Wilma. Ngunit hindi natin alam kung ano talaga ang naging buhay niya sa Japan. Mahirap nang malaman ito dahil hindi na muli magsasalita ang isa pang bayaning OFW.


Toto, Gelo, Wilma! Sino ang nakakakilala sa kanila? Hindi ko nakilala sinuman sa tatlo, ngunit ang istorya ng kanilang buhay ay mananatiling buhay sa aking puso.


Sa darating na Setyembre 7, 2025, idedeklarang santo ni Pope Leo XIV sina Carlo Acutis (15) at Pier Giorgio Frassati (24). Batang-batang mga santo ngunit mga higanteng halimbawa ng kabanalan. Parang katulad sina Toto at Gelo ang kanilang edad ngunit kay laki ng mga puso. Kay laki ng pagmamahal sa kapwa at sa pamilya. Salamat sa mga bayani, sa pagbubuwis ng kanilang buhay hanggang huling sandali. Hindi lang ito kabayanihan, kundi kabanalan din ito. Ang magmahal sa kapwa ay pagmamahal sa Diyos. Ang magmahal sa Diyos ay tiyak magtutulak kaninuman na magmahal sa kapwa.


Panalangin natin sa gitna ng hindi maganda at hindi nakatutuwang krisis na pinagdaraanan ng bansa at ng bawat mamamayan na padalhan tayo ng Diyos ng higit pang maraming bayani. At sana hindi sila mamatay kundi patuloy na gumawa ng maganda at tama upang tularan ng marami pang magiging bayani tulad nila.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page