top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Ang katapangan ng kabataang Pinoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 20, 2025
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 20, 2025



Fr. Robert Reyes


Sa darating na Miyerkules, Oktubre 22, ipagdiriwang ng simbahan ang kapistahan ni Santo Juan Pablo II (dating Papa Juan Pablo II). 


Maalala ang epekto sa pandaigdigang pulitika ng pamumuno ni Papa Juan Pablo II. Tuluy-tuloy itong nakipag-usap sa kilusang Solidarnos ng Polonya at hinikayat itong magpatuloy sa mapayapang pagtatanggol ng karapatan ng mga manggagawa. 


Sinubukang magdeklara ng batas militar ang pamahalaang komunista ng Polonya ngunit hindi nagtagal at nagkaroon ng pambansang demokratikong halalan kung saan nanalong presidente si Lech Walesa, ang lider ng Solidarnos na kaibigan ni Papa Juan Pablo II. 


Nagpatuloy ng pakikipag-usap sa mga lider ng Polonya at Russia ang papa hanggang sa tuluyan na ring gumuho ang dating Union of Soviet Socialist Republics o USSR noong Disyembre 1991. Bago mangyari ito gumuho muna noong Nobyembre 9, 1989 ang kilalang Berlin Wall.


Kailangan ng buong mundo ang pamumuno ni Papa Juan Pablo II. Nang mamatay ito, iba ang naging pamumuno ni Papa Benedicto XIV na binigyang-diin ang tradisyon at teolohiyang Katoliko na siyang naging batayan ng pagsilang ng Europa. Nang nagbitiw si Papa Benedicto XIV, pinalitan ito ni Papa Francisco I, ang kinilalang “luntiang papa” na pinaglaban ang integridad at karapatan ng kalikasan sa mahalagang liham nitong ‘Laudato Si.’ 


Ngunit hindi tumigil si Papa Francisco sa pagsulong ng pandaigdigang pagbabago tungo sa kalikasan, ipinaglaban din nito ang makabagong pakikitungo sa maliliit at mahihirap sa pamamagitan ng panibagong pulitika ng pakikipagkapwa at pakikipagkaibigan na ipinaliwanag niya sa kanyang liham na ‘Fratelli Tutii.’


Bakit “huwag matakot” ang mensahe hindi lang ni Papa Juan Pablo II kundi ng lahat ng mga pope? Ano ba ang nakakatakot sa pananampalataya sa Diyos? Nakakatakot bang magmahal? Nakakatakot bang magsabi ng totoo at ipaglaban ang katarungan at pagkakapantay-pantay ng lahat? Nakakatakot bang ipaglaban ang dangal at karapatan ng mahihirap at mga nasa gilid-gilid ng lipunan?


Ito ang dahilan kung bakit mag-aapat na buwan pa lamang si Papa Leon XIV ay naglabas na ito ng kanyang liham, ‘Dilexi Te.’ Dito niya ipinakita ang isa pang hindi popular at medyo nakakatakot na pananaw, paninindigan at pag-uugali ng isang tunay na mananampalataya at alagad ni Kristo.


Ito ang batayang turo ng ‘Dilexi Te’: Tinatawag ng Diyos ang bawat Kristiyano na mahalin at pangalagaan ang mahihirap dahil ito ay matalik at malalim na nakaugnay sa pananampalataya at hindi “optional”. Meron itong apat na mahahalagang sangkap.

Una, dapat maging pangunahin ang pangangalaga sa mahihirap na siyang pinakapuso o buod ng misyon ng simbahan.


Pangalawa, iisa ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa mahihirap, at ang mga gawain ng pagkalinga at pagmamahal sa mahihirap at nasa sentro ng buhay Kristiyano at mahalaga para sa huling paghuhukom.


Pangatlo, pinalawak ang kahulugan ng kahirapan, hindi ang materyal kundi kahirapang panlipunan, moral at espirituwal sampu ng kalagayan ng mga migrante at matatanda.

Pang-apat, ang pagpapahalaga sa kasaysayan: ang Social Teachings of the Church mula simula hanggang ngayon, sampu ng mga itinuro ni Papa Francisco at ang lahat ng itinuro tungkol sa pagmamahal sa kapwa.


Panglima, mga kongkretong pagkilos ng pagtulong at pakikiisa at pananagutan na buwagin ang mga sistema at istrakturang nagpapalaganap sa kahirapan.

Ito ang malinaw na rason kung bakit kailangan ng tapang ang pananampalataya sa Diyos, dahil hindi ito buo kung hindi ito ipinapahayag sa pamamagitan ng pagmamahal at pagkalinga sa mahihirap.


Ngayong umiinit at umiigting ang galit ng marami sa panlilinlang at pagnanakaw ng mga makapangyarihan sa salaping nakalaan para sa lahat ng mamamayan lalo na sa mga mahihirap, napapanahon ang paggunita sa mga itinuro ng mga Papa hinggil sa kaugnayan ng pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa, lalo na sa mga maliliit at mahihirap. Anong klaseng Kristiyano ang naghahangad at nagtatagumpay na maging malaki, mayaman at makapangyarihan, at malayong-malayo sa mga mahihirap? Hindi siya o sila Kristiyano dahil taliwas ito sa itinuturo ng simbahan.


Kaya tama lang katigan ng simbahan ang sigaw ng lahat: Litisin, ikulong, singilin ngayon na ang lahat ng nagnakaw, lahat ng korap! 


At nakatutuwa at nakapagpapataba ng puso na makita at marinig ang mga kabataan at

mag-aaral na sumisigaw na walang kaba, walang takot: “Ikulong na ‘yan mga kurakot! Ikulong na ‘yan mga kurakot!”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page