Ang kapangyarihan ng espiritu sa pagbabago
- BULGAR
- Aug 9
- 4 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 9, 2025

Taong 2019 nang huling nagbakasyon ang kaparian ng Cubao. Napiling lugar noon ay Boracay. Ibang-iba pa ang mundo noon, wala pang pandemya, walang lockdown. Walang sabay-sabay at sunud-sunod na namamatay na mga indibidwal, kakilala man o hindi.
Magulo at marahas ang maraming bahagi ng mundo. Kakaibang pandemya na ang lumalaganap, ang pandemya ng mga “populistang diktador” (populist dictators). Sila ang mga popular ngunit tila hindi gumagalang sa karapatang pantao at sa legal na prosesong sumusunod sa Konstitusyon.
Isa ang Pilipinas sa mga bansang pumailalim sa ganitong uri ng pamunuan. Tatlong taon pa lang nating nararanasan ang administrasyon ng dating pangulo, laganap na ang tokhang o EJK, ang madugong resulta ng naturang war on drugs. Hindi ligtas ang paligid, lumalaganap na ang takot ng mamamayan.
Matinding takot at panganib ang nararamdaman dahil sa mga pagpaslang ng mga maliliit at karaniwang taong napagbibintangan o basta na lang nababalingan ng malupit at nakamamatay na programa ng drug war. Masasabi nating kakaibang preparasyon ito para sa mas matindi pang panganib ng pandemya. Ang malaking pagkakaiba lang ay artipisyal ang una at natural ang pangalawa. Tila gawa-gawang problema ang droga upang bigyang-daan ang programa ng ‘pananakot’ sa pamamagitan ng pagpatay, paglinis ng diumano’y salot ng droga.Walang imbestigasyon, walang paglilitis, walang warrant of arrest, basta’t mapaghinalaan kang sangkot sa droga, magdasal ka na at bilang na ang mga huling sandali ng buhay mo.
Sa gitna ng naturang drug war, dumating ang pandemya at binalot nito ang buong mundo ng kadiliman at kamatayan. Nagsanib-puwersa ang dalawang pandemya na nagdulot ng ‘di mawaring paghihirap sa mahal nating bansa at mga kababayan. Pagkaraan ng halos tatlong taon ng pandemya ng tokhang at pandemya ng COVID-19, pansamantalang dumating ang maikli at nabuhay ang kapayapaan. Unti-unting naglaho ang pandemya, natapos ang lockdown at tumigil ang tokhang.
Ngunit nasaan na tayo ngayon? Wala na ang pandemya ng COVID, tapos na ang war on drugs at nasa ICC na ang nagpasimula nito. Subalit, tuloy pa rin ang isang pandemya na matagal nang sumasakal at kumikitil sa kasarinlan at kalayaan ng bawat mamamayan.
Mula pa noong Patronato Real o ang patakaran na nagbibigay ng kapangyarihan sa hari at reyna ng España sa Simbahang Katolika sa lahat ng aspeto ng pamamalakad nito, mula sa mga paghirang ng mga opisyales, kaperahan, pag-aari at pamamahala sa mga lupain. Malinaw na dahil tayo ay sinakop at naging kolonya ng España, lahat-lahat ay kontrolado na nito. Mula noon hanggang ngayon, malalim ang kultura ng paternalismo o ng pag-asa sa mga padron ng maliliit at mahihirap na mga karaniwang mamamayan -- magsasaka, mangingisda at manggagawa. Maski na napaalis ang kapangyarihang kolonyal ng España nang matalo ito ng mga Amerikano sa “Battle of Manila Bay” (1 Mayo 1898), ang mga nabuong mga sektor na malapit sa mga Kastila, tulad ng mga peninsulares (mga Kastilang ipinanganak sa España), insulares (mga Kastilang ipinanganak dito), mestizos (mga halo ang dugo, Kastila, Tsino at Indio), mga indio (mga mamamayang ipinanganak dito, ito ang pinakamababang sektor), at ang principalia (mga Pilipino na may posisyon tulad ng gobernadorcillos (alkade at cabeza de barangay, ang mga ito ay mayayaman at makapangyarihan at pinakikinggan ng mga kapangyarihang kolonyal).
Ang principalia ay hindi nawala sa pag-alis ng mga Kastila. Mula sa panahon ng mga Amerikano hanggang ng mga Hapon at ang panahon pagkaraan ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, tumibay at nanatili ang mga miyembro ng principalia at ito ang nakapuwesto sa maraming posisyon mula sa pinakamababa hanggang Malacañang, at sila ang kinikilalang miyembro ng mga makapangyarihang pamilya o ng mga dinastiya.
Hindi nagbabago ang lahat ng mga ito bagkus nagbabagong anyo lamang. Wala na ang dating mga padron o patrong Kastila at ang mga miyembro ng mga mayayaman at makapangyarihang pamilya ang may hawak ng pondo at kapangyarihan ng buong pamahalaan mula sa iba-iba hanggang itaas.
Sapat nang tingnan ang bumubuo sa Senado at Kamara. Sapat ding tingnan ang bumubuo sa Korte Suprema at ang koneksyon nito sa mga dinastiya sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Hindi ba’t laro lang ng mga dinastiya ang nangyayari sa Kamara, Senado at Korte Suprema? Kelan at paano matatapos ang larong ito?
Hindi basta-bastang matatapos ito hanggang hindi nagbabago ang kultura ng patronato-paternalismo-trapo-dinastiya.
Samantala, katatapos lang ng munting bakasyon ng kaparian ng Cubao sa Bohol. Nakita namin kung gaano kalakas ang pananampalatayang Katoliko sa dami ng mga nagsisimba. Kahanga-hanga rin ang mabilis na pagbuo ng mga nasirang simbahan ng nagdaang matinding lindol noong 2013.
Merong positibong puwersa na hindi pa lubos na natutuklasan sa pagbabago ng lipunan. Naroroon na ito noong People Power Revolution ngunit paulit-ulit na naudlot dahil hindi lubos na pumasok sa espiritu o diwa ng panalangin, sakripisyo, pag-aayuno, pagbabalik-loob sa Diyos, at pagkilatis at pagsunod sa kalooban ng Panginoon. Bumalik ang karamihan sa karaniwang kultura ng pulitika na hawak pa rin ng mga dinastiya. Walang nabuong bagong kultura na sasalag at magbabago sa matibay na kultura ng paternalismo, trapo at dinastiya.
Sa mga floating restaurant na naglayag sa Loboc at Loay, inawit ng lahat ang “Balik Balik sa Bohol.” Sa mga simbahan ng Bohol na puno ng mga mananampalataya, mga simbahang naguho ng lindol noong 2013. Oo, kailangang bumalik sa kapangyarihan ng panalangin, ayuno, sakripisyo, pagninilay at madasaling pagkilos… balik-balik sa Bohol!
Comments