Ang ibig sabihin ng “immutability of judgments”
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 01, 2021
Dear Chief Acosta,
Matagal nang nagdesisyon ang Regional Trial Court sa aming lugar tungkol sa lupa ng aking mga magulang, subalit hindi matigil ang aming kapitbahay at nagsampa sila ng annulment of judgment sa mas mataas na hukuman kahit pa mayroon silang natalong apela tungkol sa parehas na kaso, halos sampung taon na rin ang nakalilipas. Hindi ba matatapos ito? – Uena
Dear Uena,
Para sa inyong kaalaman, mayroong prinsipyo ng immutability of judgments na ipinaiiral sa ating legal system at ito ang nagtatakda ng katapusan ng anumang kaso.
Ayon sa bagong kasong Marilyn Monthermoso, et al. vs. Romeo Batuto, et al. (G.R. No. 246553, December 2, 2020, Ponente: Honorable Associate Justice Amy Lazaro-Javier), na dinesisyunan ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema, hindi maaaring gambalain ang desisyong naging final na sa pamamagitan lamang ng pagpa-file ng samu’t saring remedyo sa batas nang wala namang basehan. Sinabi sa nabanggit na kaso na:
“It is an important fundamental principle in the judicial system that every litigation must come to an end. Access to the courts is guaranteed. But there must be a limit thereto. Once a litigant's rights have been adjudicated in a valid and final judgment of a competent court, he should not be granted an unbridled license to come back for another try. The prevailing party should not be harassed by subsequent suits. For, if endless litigations were to be encouraged, then unscrupulous litigants will multiply to the detriment of the administration of justice.”
Samakatwid, kung wala namang sapat na basehan ang aksiyon ng inyong kapitbahay kaugnay ng kaso sa inyong lupa, hindi na papansinin pa ng Hukuman ang kanilang mga hakbang sang-ayon sa nabanggit na prinsipyo ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments