Ang dugo ni Abel sa mga kamay ni Cain

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| March 13, 2021
Dinalaw ng Santo Papa ang Iraq noong nakaraang linggo. Dinalaw niya ang maliit at lalo pang lumiliit na pamayanan ng mga Kristiyano sa Iraq dahil sa patuloy na pag-atake ng mga terorista sa mga simbahan at pagbuwis ng napakaraming inosenteng buhay.
Nagdasal ang Santo Papa sa Hosh-Bieaa Centre sa Mosul. At sa gitna ng mga pagguho ng giyera, ipinagdasal niya ang mamamayan ng Iraq, lahat ng mga biktima ng giyera sa Iraq at sa buong Gitnang Silangan.
Kasabay ng kanyang panalangin para sa mga pinatay na Kristiyano, kanyang ipinaabot ang mensaheng ito, “Kung ang Diyos ay Diyos ng buhay, at ganito nga siya, mali ang pumatay ng ating mga kapatid sa Kanyang ngalan. Kung siya ay Diyos ng kapayapaan, at ito nga siya, mali din makipag-digma sa kanyang ngalan. Kung siya ay Diyos ng pagibig, at ito nga siya, mali na magtanim ng galit at poot sa ating mga kapatid.” (If God is the God of life – for so he is – then it is wrong for us to kill our brothers and sisters in his Name. If God is the God of peace – for so he is – then it is wrong for us to wage war in his Name. If God is the God of love – for so he is – then it is wrong for us to hate our brothers and sisters.) Napakaraming bansa ang nababalot sa karahasan at giyera.
Pagkaraan ng dalawang araw, siyam ang pinatay sa Batangas, Rizal at Cavite. Hindi armado ang mga pinatay ng pulis ngunit pinalabas pang nanlaban ang mga ito. At hindi pa lubos na napag-uusapan, naiimbestigahan ang mga pagpatay ng pulis sa mga aktibista sa naturang tatlong probinsiya, namatay naman ang mayor ng Calbayog City na si Ronald Aquino.
At mabilis na nagpalabas ng pahayag ang Chief PNP Debold Sinas na hindi ito ambush. At maagang nagsalita si Samar Representative Edgar Mary Sarmiento, “Nasasaktan ako, bakit ganito ang ginagawa ng mga pinagkakatiwalaan nating magtanggol sa atin? Hindi ang PNP ang magbibigay sa atin ng katarungan. Ang DOJ at ang NBI ang pakikiusapan kong magimbestiga. Nakikiusap ako sa Pangulo, tulungan ninyo kami sa paghahanap ng katarungan…”
Nasaan na ang Diyos ng buhay, pag-ibig, at kapayapaan? Ano na ang nangyari sa kanyang mga anak, na magkakapatid at mula sa iisang pamilya. Napakaraming pagkakataong nabahiran ng dugo ni Abel ang mga kamay ng kanyang kapatid na Cain. Sa halip na itigil ito ng may kapangyarihan at tungkuling panatiliin ang paggalang sa buhay at kapatiran ng lahat, tila ang kabaliktaran ang itinataguyod.
Hindi pa nakatakdang dumalaw si Papa Francisco sa ating bansa. Sino kaya ang maaaring manawagan sa ama at magkakapatid na bumubuo sa pamilyang Pilipino na itigil ang patayan ng magkakapatid at simulan na ang pagprotekta at pagmamahal sa buhay at kapayapaan?





Comments