Ang child marriage, pinasimpleng pag-aampon at FPJ Avenue
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 19, 2022
Ilang buwan na lamang ay matatapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte at nakatutuwang naihabol sa kanyang panunungkulan na malagdaan at maging ganap na batas ang ilang mahahalagang panukala na uukit sa ating kasaysayan.
Sa pagpasok ng taon ay nilagdaan ng Pangulo upang maging ganap na batas ang Republic Act No. 11596 na nagbabawal sa child marriage at pagpapataw ng kasong kriminal sa magpapakasal sa mga batang wala pa sa edad 18 at hindi pa kayang proteksiyunan ang sarili sa pisikal at mental na pang-aabuso.
Nakasaad din sa naturang batas na mananagot ang mga may kinalaman sa mga sumusunod: facilitation of child marriage, solemnization of child marriage, cohabitation of an adult with a child outside wedlock.
Mawawakasan na rin na ginagawang depensa ng ilan na pakakasalan na lamang ang menor-de-edad para makaiwas sa kaso matapos matuklasan na kanila itong sinisipingan o mabuntis.
Kung dati-rati ay malaking handaan at inuman ang naghihintay sa mga gumagawa nito, ngayon ay malaking pagbabago ang magaganap dahil mahaharap sa multang P40,000 ang lalabag at hanggang 12-taong pagkabilanggo para sa mapatutunayang nagkasala.
Nilagdaan na rin ng Pangulo ang Republic Act No. 11642, na mas kilala sa Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act na isa ang inyong lingkod sa author at co-sponsor kasama sina Sen. Grace Poe at Sen.Risa Hontiveros.
Talamak ang ilegal na proseso ng pag-ampon sa ating bansa dahil sa napakakomplikado ng mga requirements at karaniwang nagiging biktima pa ng korupsiyon ang mga kababayan nating nagmamagandang loob na nga ay pinahihirapan pa.
Dahil sa hirap ng proseso ng pag-aampon ay karaniwang ikinukuha lamang ng birth certificate sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang bata na nais ampunin sa pakikipagsabwatan ng kumdradona at pinalalabas na late registration.
Lumulusot ang ganitong sistema, ngunit bukod sa ilegal ay wala itong bisa at kapag nasangkot sa usapin ang batang inampon at kinailangan ang kanyang legal na dokumento ay maaari niya itong ikapahamak.
Marami kasing mag-asawa na may kapasidad mag-ampon, ngunit dahil sa sobrang hirap ng proseso sa ating bansa ay hindi na lamang nag-aampon o kung mag-aampon man ay wala na lamang legal na dokumento, kaya hindi nagkakaroon ng karapatan ang inampon sa mga mamanahin niya sa mga nag-ampon sa kanya.
Ngayong ganap na itong batas ay iniaatang na lahat duties at functions ng government agencies na may kinalaman sa pag-aampon sa National Authority for Child Care o NACC at sa kanilang mga regional offices.
Tiniyak ng naturang batas na sa tanggapan ng NACC ay matatapos ang proseso ng pag-aampon, kung saan nagsagawa ng makabagong sistema para sa lahat na kakailangang dokumento ng legal na pag-aampon sa mas simpleng paraan.
Ang isa pang panukala na hindi lang tayo basta tumayo bilang isa sa co-sponsor dahil palagi natin itong isinasama sa panalangin na sana ay maging ganap na batas, na nabigyan naman ng katuparan dahil nilagdaan na rin ito ng Pangulo.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments