top of page

Ang birhen, bundok at mamamayan ng Pakil laban sa dam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 7, 2025



Fr. Robert Reyes

Buong panghihinayang na humingi tayo ng paumanhin sa mga mamamayan ng Pakil, Laguna sa hindi pagdalo sa kanilang kilos-protesta kamakalawa. Sayang at hindi tayo nakasama sa pagpapaigting ng mga sumusunod na panawagan:


Itigil ang pagputol ng mga puno sa bundok ng Ping-as!

Itigil ang pagpapalayas ng mga residente ng Pinagkampohan!


Tanggalin ang mga “no entry” signs sa mga palayan at taniman ng mga magsasaka sa bundok!


Tanggalin ang “no entry” sign laban sa mga mangingisda sa isang bahagi ng Laguna Lake!


Upang idiin ang mga nabanggit na panawagan, nagdaos ang mga taga-Pakil ng misa sa simbahan ng Pakil ng alas-6:30 ng umaga at alas-7:30 ng umaga, martsa tungo sa tanggapan ng Ahunan, alas-7:50 ng umaga ay pagbasa ng pahayag ng Koalisyon na sinundan ng iba’t ibang tagapagsalita, alas-8:10 ng umaga ay martsa tungo sa plaza at patuloy ang programa, alas-9:30 ng umaga ang katapusan ng programa.


Napakahalaga ng ipinaglalaban ng mga mamamayan at mananampalataya ng Pakil. Hindi lang kalikasan kundi ang kasaysayan at kultura ng Pakil ang nakataya. Dumadaloy ang malinis at matamis na tubig mula sa bundok sa likod ng simbahan ng Mahal na Ina ng Pitong Hapis ng Turumba. 


Balak ng mga malalaking korporasyon na ‘kamkamin’ ang bundok, patagin ang itaas at hukayin para maging dambuhalang dam na maghahatid ng tubig sa mga nangangailangang lugar, lalo’t higit sa Kamaynilaan. 


Sa kabila ng malakas na pagtutol sa naturang proyekto ng mga mamamayan ng Pakil, tila bingi at manhid ang mga lokal at panlalawigang opisyales ng Laguna. Nagsimula na nga ang pagputol ng mga puno sa bundok Ping-as.


Nangyari ito isang linggo pagkatapos na ipagdiwang ng mga taga-Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8 ang ika- 59 na pista ng parokya na ang tema ay “Alab ng Pag-asa, Biyaya ng Kalikasan!” 


Upang isakongkreto ang adbokasiya sa kalikasan, isinasaayos na ng parokya ang paglulunsad ng programang “Greening the Sacraments.” Sa programang ito, ipagdiriwang natin ang pagkakaisa ng mga sakramento sa buhay ng tumatanggap at sa kalikasang bumubuhay at kinikilusan nito. Katumbas ang partikular na uri ng puno na itatanim sa ngalan ng tumanggap ng sakramento. Narra para sa bawat bibinyagan.


Kawayan sa bawat mauunang magkumpisal at komunyon. Mangga sa bawat ikakasal.

Bakit pagputol ng mga puno at paghuhukay ng mga bundok ang inaatupag ng mga korporasyon sa halip na magtanim ng mga puno at ibalik sa dating sigla at buhay ang mga kabundukan? Ano na ang nangyayari? Hindi ba ito alam ng ating pamahalaan?


Hindi ba ito batid ng gobernador ng Laguna, ng mayor ng Pakil, ng dati at ng bago na nakaupo? Hindi ba ito alam ng Department of Environment and Natural Resources, ng Department of Public Works and Highways, ng Malacañang? 


Imposibleng hindi ito alam ng mga nakatataas. Imposibleng nakarating sa puntong nagpuputol na ng puno at nagkakalat ng ng mga “no entry” signs kung saan-saan na walang nakakaalam. Ito ang problema, ang taumbayan ang huling nakakaalam.


Merong panukala sa Kamara hinggil sa ‘bicam budget transparency process’. Magkakaroon daw ng bukas at walang lihim na pag-uulat ng pagba-budget ng Kamara sa darating na General Appropriations Act of 2026 o ng pambansang budget ng 2026. 


Maganda ito kung totoo at hindi lang bola o deodorizer (pampabango lang) ng kasalukuyang Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin Romualdez. 


Maganda rin sana kung merong ganitong ‘hazardous environment project transparency process’ o ang pagbubukas sa publiko ng mga panukalang proyektong makakasira sa kalikasan upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na tumutol o magbigay ng komentaryo pabor o laban sa naturang proyekto.


Walang ganito sa planong gumawa ng dam sa mga bundok ng Pakil. Tulad ng mga karaniwang konsultasyon, ang mga sang-ayon lang ang sinabihan at inanyayahang dumalo. Kaya “okey” agad ang proyekto at sa mabilis na panahon sinimulan na at ikinagulat ng mga mamamayan.


Salamat sa mga mamamayan ng Pakil na ipinagtatanggol ang ‘di matatawarang kayamanan ng kabundukan, kalikasan, kasaysayan at pananampalataya. Hindi kayo nag-iisa. Marami pang sasama at dadagdagan ang tinig at puwersa ng pagtutol sa proyektong wawasak sa kalikasan, walang respeto sa banal na kasaysayan ng Birhen ng Turumba at sisirain ang kulturang nagbibigay na kabuluhan at pagkakakilanlan sa mga mamamayan ng Pakil. Itigil ang pumped storage hydroelectric power project sa Pakil, Laguna!


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page