Ang batas at ang mga teka-tekang senador
- BULGAR
- 2 days ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 14, 2025

Makapal ang tao noong nakaraang Miyerkules, Hunyo 11, sa labas ng gate ng Senado. Bakit? Bahagi ito ng tuluy-tuloy na protesta laban sa ginawa ni Senate President Chiz Escudero na sinuportahan ng 17 pang mga senador.
Hindi itinuloy ni SP Chiz na simulan na ang proseso ng paglilitis sa bise presidente. Sa halip lagi niyang inaantala ito. Unang ipinostpone niya ang kaganapan sa impeachment ni Vice President Sara Duterte noong Hunyo 2 at inilipat ng Hunyo 11. Hindi uli ito itinuloy sa halip noong gabi ng Hunyo 10, ibinalik (remanded) ng 18 senador ang mga “articles of impeachment” sa Kamara.
Malinaw na naman ang ginawa ni Sen. Escudero at ng mga kasama niyang mga senador. Inantala, pinabagal o sa madaling salita drinibol-dribol ang bola ngunit hindi ito hinagis tungo sa ring para magka-score. Ang galing-galing magdribol at hindi hayaang tumakbo nang maayos ang laro. Ang husay paralisahin ang laro na parang walang nangyari. Pero, laro ba ang nangyayari sa Senado?
Maraming nagsasabing laro ito, dahil laro ng pulitika ang impeachment mula sa talakayan at pag-apruba nito sa Kamara hanggang sa pagpapadala sa Senado. Ngayong nasa Senado na, tuloy ang laro. Kung laro man ito, dapat ituloy at dumaan sa tamang proseso. Tila hinahadlangan nina SP Chiz at ng kanyang mga kasama. Bakit? Maski na “laro” ito, katotohanan ang ibubunga kung matutuloy. Ang 24 na senador na mabubuo bilang impeachment court ang magiging mga hurado na makikinig sa prosekusyon at sa depensa, at hahayaang malitis si VP Sara.
Totoong pinasumpa ni SP Chiz ang kanyang mga kasamahang senador na magiging tapat na mga hurado sa impeachment court. Ngunit pagkatapos nilang manumpa, biglang ibinalik (remanded) ang “articles of impeachment” sa Kamara kung saan ito nanggaling. Parang isu-shoot lang sa goal ng kalaban para umiskor, pero bigla na lang itinapon sa kabilang court para roon umiskor. Malabong laro, parang larong bata. Lokohan ba o biru-biruan?! Teka-teka, saka na lang maglaro ng matino.
Ang unang pagbasa noong nakaraang Huwebes ay mula sa liham ni San Pablo sa mga taga-Corinto (2 Cor 3:15- 4: 1,3-6). Ganito ang sinasabi rito: “Hanggang ngayon may talukbong pa ang kanilang isip tuwing babasahin nila ang aklat ni Moises. Ngunit pagharap ng tao sa Panginoon naaalis ang talukbong. Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu at kung saan naroroon ang Espiritu naroroon ang kalayaan.”
Tila may talukbong ang ilang mga senador habang binabasa nila ang batas. Ano kaya ang talukbong na iyon? Saan o kanino galing ito? Ito ba ay talukbong laban sa kasinungalingan o laban sa katotohanan? Humaharap ba ang lahat ng mga senador sa Panginoon, sa taumbayan, sa kasaysayan, sa kasalukuyan at sa kinabukasan, o nagtatago sila sa Diyos at sa taumbayan?
Sa halip na tanggalin nila ang mga kubli, nagtatalukbong sa katotohanan, at humahadlang sa kinakailangang proseso ng hustisya tungo sa totoo upang makamit ang katarungan para sa lahat. Lalo ring tinatakpan at itinatago ang katotohanan para pairalin ang kasinungalingan.
Para saan ba at kanino ang Senado? Para kanino rin ang paglilingkod? Napakagaling magtalukbong, magpatagal at mag-antala ng nararapat na proseso para lumaya ang lahat sa kadiliman at kasinungalingan.
“Kasalanang malaki ang inyong ginagawa!” Ito ang mensahe ni Arsobispo Socrates Villegas. Sa halip na tanggalin ang talukbong, dinadagdagan pa ito para wala nang makita ang lahat. Para maitago ang dapat malaman ng taumbayan. Paano lalaya ang ating bansa kung ang mismong namumuno rito ay ‘kalaban’ ng kaliwanagan at katotohanan? Paano natin makikilala ang ating tunay na sarili kung mismong sila ay ‘sumasamba’ sa pagkataong huwad na malayo at umiiwas humarap sa Diyos.
Sinabi ni San Agustin,“Walang pahinga ang puso ng tao hangga’t hindi ito nakapagpapahinga sa Panginoon.”
Nakakatakot o mahirap bang humarap sa Panginoon kaya’t saka na lang, teka muna kami haharap dahil masarap mamuhay sa luho, pribilehiyong nagmumula sa aming posisyon?
Iyon lang ang problema, sila lang ang nakikinabang habang naiiwan ang nakararami at tuluyan nang nalalayo sa kanilang makatarungang parte ng biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat.
Ito ang pulitika ng teka-teka, ang pulitika ng sarili, pulitikang tila walang pakundangan sa iba. Iyan ang pulitika ng mga trapo at dinastiya, na dapat lang palitan ng pulitika ng kapwa, at para sa lahat.
Ano kaya ang ipinaglalaban ng 18 nagpasyang ibalik sa Kamara ang “articles of impeachment”? Bakit hindi sa kanila, kundi sa limang tumutol natuwa ang marami. Malinaw dito ang ibig sabihin ng ‘paghahari ng marami, laban sa katotohanang nagpapalaya sa iilan’.
Comments