ANDREA, UMAMING SIYA ANG BUMILI NG LAHAT NG GAMIT SA CONDO NI RICCI
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 18, 2023

Mas marami palang pasabog si Andrea Brillantes tungkol sa dating karelasyon na si Ricci Rivero dahil ibinuking ng aktres na lahat ng gamit sa condo unit ng ex-BF ay binili niya.
Si Andrea ang guest ni Vice Ganda sa kanyang YouTube channel titled Ang Beshie Kong Gen Z at napag-usapan ng dalawa na since hiwalay na ang showbiz sweethearts ay may usapan ba o may nagkusa bang isoli ang mga gamit na iniregalo o ibinigay nila sa isa’t isa?
Sabi kaagad ni Andrea, “Hindi! Sentimental po ako, eh. Although ‘yung isa, balak kong isanla kasi hindi ko na nakikita ang sarili kong susuotin ko kasi.”
Hirit ni Vice, “Bakit hindi mo na lang isoli?”
“Ay, magkakapera pa ako kapag ibinenta ko, may pang-shopping pa ako, ba’t ko ibabalik at (kung sakaling isoli), eh, ang gagawin lang din niya, ibibigay din niya sa iba ‘yun, eh,” katwiran naman ng dalaga.
At sa tanong kung hindi ba babawiin ni Andrea ang mga naibigay niya kay Ricci, “Kasi alam n’yo po, Meme (Vice), kapag kinuha ko lahat ng ibinigay ko sa kanya, wala na siyang gamit sa condo niya. Hindi ko gagawin ‘yun!”
Naloka si Vice sa narinig, “Oh, my gosh! Napapa-brush ako (ng buhok).”
Dagdag pa ni Andrea, “Saka ‘yung iba pong maganda pong memories, hindi ko isinosoli. Saka kahit pangit naman ‘yung memory, cute na cute ‘yung bag, gusto ko (isinusuot).”
Ang tanging ipinapasoli lang daw ni Ricci ay ang mga jackets na nahihiram ng aktres.
Inamin din ni Blythe (tunay na pangalan ni Andrea) na matindi siyang magmahal.
“Todo po ako, as in, actually, bakla akong magmahal. Bakla rin akong magregalo, sobra! Hay!” nahihiyang sabi nito.
Tumawa nang husto si Vice, “Hahahaha! Bigla siyang nahiya. Parang bigla niyang (naisip), ‘Oh, my God. Mahal ‘yung naibigay ko.’”
“Ay, mahal po talaga, hahahaha!” diin ng dalaga.
Dagdag pa, “Siguro po, umabot nang milyon.”
Nagulat na tanong ni Vice, “Oh, my gosh! Ano’ng mga stuff ‘yan?”
Pagbubuking ng kapatid ni Andrea (nanonood sa studio), isinama raw niya si Ricci sa isang project at sa kanya ibinawas ang talent fee ng basketbolista.
“Ang taray!” sambit ni Vice.
“Ganu’n ako mag-love, eh,” katwiran ng dalaga.
Say ng TV host, “Ginagawa mo naman kasi ‘yun out of love. Saka, do you regret having done it?”
“Kahit sa’n po, wala akong pinagsisihan kasi nagmahal ako. Kung meron man akong pinagsisisihan ay ‘yung mga bagay na nasabi kong masasakit kasi aaminin ko, hindi rin ako perfect na girlfriend lalo na’t bagets-bagets pa ako, may mga hindi magandang nagawa,” pag-amin pa ni Andrea.
Tugon naman ni Meme, “'Pag nagmamahal kasi, isine-share mo ru’n sa taong mahal na mahal mo, hindi ‘yun katangahan. Ang katangahan, ‘yung magbibigay ka ng lampas sa iyong kakayahan.”
Umoo naman si Andrea, “Hangga’t kaya kong magbigay, nagbibigay po ako.”
Paano nakapag-move forward kaagad si Andrea dahil nabanggit nito sa unang bahagi ng panayam sa kanya ni Vice na noong nagpunta siya ng Spain ay brokenhearted siya at sobrang iniyakan niya talaga ang ex-boyfriend at pilit pa niyang inaayos ang relasyon dito, pero wala na.
At sa kanyang pagbabalik sa bansa ay okay na siya.
“Ang dami ko na po kasing pinagdaanan sa life. Bakit ako mag-aano sa lalaki lang? There’s so much more to this life than just one boy,” katwiran ng aktres.
Hindi rin daw isinisiksik ni Andrea ang sarili sa dating karelasyon dahil may iba na ito agad.
“May iba na, sa'n na ako ru’n?” saad nito.
Inamin din naman ni Blythe na kahit 19 years old pa lang siya noon ay ‘date to marry’ ang mindset niya at inakalang si Ricci na ang makakatuluyan.
“Pero wala! Kinailangan kong tanggapin talaga na hindi. At saka kasi, pangarap ko na maging mommy kasi galing po ako sa broken family. So, paano ko mabibigyan ng advice ang anak ko kung hindi ko kayang gawin sa sarili ko? Kaya kailangan kong gawin ito para maipakita kong may self-value ako at magkaroon din ng self-value ang anak ko,” kuwento ng dalaga.
May hirit pa ulit si Blythe, “Gusto ko lang sabihin na minsan, kung hirap kang mag-move on, kailangan mo talagang isipin ‘yung mga bagay (na nakaka-turn-off), ‘Talaga bang iiyakan ko ‘yung lalaking hindi nagpapa-laundry nang isang taon?’"
Naloka na naman si Vice, “Kailangan talagang isipin mo ‘yung mga bagay na nakaka-turn-off, (at) totoo ‘yun! Ang dugyot kaya nu’n!”
“Naisip ko na hindi pala siya ganu’n ka-special, ‘yung pagmamahal ko ang nagpa-special doon sa tao!” diin pa ng aktres.
Inisip namin na buti, hindi nabahuan si Andrea sa mga gamit ni Ricci na umabot nang isang taon na hindi napapalabhan.
Oo nga pala, walang pang-amoy ang aktres! Hahahaha!
Anyway, bukas ang BULGAR sa panig ni Ricci o ng kampo niya.





Comments