Anak nina Dra. Belo at Hayden… SCARLET, 11-ANYOS PA LANG, SOLO FLIGHT NA SA LONDON
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 24, 2026

Photo: IG _scarletsnowbelo
Sa edad na 11 ay susubukan na ng anak nina Dra. Vicki Belo at Dr. Hayden Kho na si Scarlet Snow Belo na maging independent dahil sa Harrow School sa London siya mag-aaral at doon din ang dormitoryo niya.
Ipinost ni Scarlet sa kanyang Instagram (IG) account ang mga larawan niyang nasa Harrow School at may bitbit na unan at maleta, kasama ang mga kapwa-estudyante.
Ang caption ng dalagita ay “POV (point of view): I traded a few days of comfort for a lifetime of growth.
“Spending time at Harrow School in London gave me a glimpse of boarding school life, challenged me to become more independent, and introduced me to friends from every corner of the world. Exploring law through one of the world’s most historic schools made the experience even more inspiring. I came home with new friendships, greater confidence, and a reminder that growth begins where your comfort zone ends.
“Thank you Dad and Mom for letting me have this experience!”
Nag-comment ang kanyang Ninong Jojie Dingcong, na manager din niya, “OMG! Yes, you are growing beautifully, wonderfully strong, our dear girl!!”
Komento rin ni Doc Hayden sa anak, “So proud of you, my love.”
Maraming celebrities at friends ng Belo family ang bumati sa bunsong anak ni Dra. Vicki. Pinayuhan din siyang mag-ingat palagi at ikinatuwa ng marami na pinayagan siyang maging independent ng kanyang mga magulang.
Early September pa ang simula ng pasukan sa Harrow School at Hulyo pa lang ay dinala na nina Doc Vicki at Hayden ang anak para masanay sa lugar at maayos ang mga kakailanganin nito sa eskuwelahan.
May video post naman si Doc Vicki kasama ang asawang si Doc Hayden na naka-sexy shorts habang ipinapasyal nila ang anak bago nila ito iwan doon at bumalik ng Manila.
Ang caption ng mom ni Scarlet, “A few beautiful memories from this trip. The best part of every trip will always be the time spent with family. Creating moments I’ll cherish forever. Until next time, London.”
Ang bilis ngang lumaki ni Scarlet na halos kasingtangkad na niya ang mommy niya. Parang kailan lang nang pinagkukuwentuhan pa namin siya ng Kuya Quark Henares niya na siya ang nagbigay ng pangalan ng bunsong kapatid.
NAKITA namin ang larawan nina Jolina Magdangal at TV5 executive Enrico C. Santos na ipinost ng huli sa kanyang Facebook (FB) account kaya tinanong namin kung ano’ng project ito.
Binanggit sa amin na balik-tambalan nina Jolens at Marvin Agustin na mapapanood sa Kapatid Network sa umaga.
“Morning series s’ya,” kaswal na sagot ni ECS (tawag namin kay Enrico).
Naalala namin ang hit series ng ABS-CBN na Be Careful with My Heart (BCWMH) nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap na tumagal nang mahigit dalawang taon, mula 2012 hanggang 2014.
Nabanggit na makakasama ng MarJo love team si Dominic Ochoa at ilang Star Worx artists na pinasisikat ng TV5.
Inamin din ni Enrico na silang dalawa ni Ginoong Guido Zaballero, presidente at CEO ng TV5, ang nag-offer kina Marvin at Jolina na magbalik-serye silang dalawa.
Tinanong namin kung sino ang direktor.
Ang sagot, “Si Roman Perez at s’ya rin ang line producer.”
“Huh, ‘di ba’t pawang sexy at action ang ginagawa niyang pelikula sa Vivamax?” tanong namin kay Enrico.
“Kenkoy ‘yun!” sagot kaagad sa amin.
Sabi pa, “Dating drama and comedy ng ABS-CBN at GMA ang project n’ya.”
Para sa working title ng MarJo series, “Ano ba ang mas magandang title, Mommy Guard o Guard Ko si Babe?”
Sinagot namin na Mommy Guard para mas madulas ang pagbigkas, at nag-thumbs up naman si ECS.
Pero huli naming naisip na mas maganda ang Guard Ko si Babe para may recall dahil ito ang tawagan ng dalawa sa pelikula nilang Hey, Babe (HB) noong 1999 at ito rin naman ang term of endearment nila.
Kaya lang baka gusto namang maiba ni ECS ang tawagan ng MarJo para hindi magmukhang sequel.
“Hindi,” ang sagot ni Enrico sa tanong namin kung mag-asawa ang role ng MarJo.
At kung hindi magbabago ang plano ay sa October daw ito eere sa TV5.





Comments