ANAK NI SHERYL, SUMMA CUM LAUDE SA SAN FRANCISCO STATE UNIVERSITY
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 19, 2023

Isang proud mom si Sheryl Cruz dahil ang kanyang unica hija na si Ashley Nicole Bustos ay magtatapos ng kolehiyo bilang Summa Cum Laude.
Kumuha ng kursong Psychology si Ashley sa San Francisco State University sa USA.
Kinaya nitong mawalay sa kanyang ina at mamuhay nang mag-isa.
Mahirap para kay Sheryl ang malayo sa kanyang anak, pero hindi naman niya ito masasamahan sa ibang bansa dahil may mga tinatanggap din siyang projects sa GMA-7.
Kahit bihira silang magkita at matagal na panahong nawalay sa isa't isa, nagpapasalamat si Sheryl na naging matatag ang loob ng kanyang anak.
Hindi naman sinolo ng singer-actress ang credit sa matagumpay na pagtatapos sa college ng kanyang anak na si Ashley sa ibang bansa.
Malaki rin daw ang naitulong ng pamilya Bustos, ang side ng kanyang dating mister at tatay ni Ashley, kaya't in-acknowledge rin niya ang mga ito.
Nangako si Sheryl na dadalo siya sa graduation ng kanyang anak at masayang-masaya rin ang singer-actress dahil makakasama rin niya si Ashley sa kaarawan nito ngayong May.
Para kay Sheryl, ito ang pinakamagandang Mother's Day gift na kanyang natanggap ngayong taon.
Walang mapaglagyan ang kasiyahan niya na nakapagtapos ng kolehiyo ang anak niya at may bonus pa, bilang Summa Cum Laude.
Natatandaan nga namin noong bata pa si Ashley ay napaka-cute nito at para rin itong manika sa ganda. Kaya marami ang nagsasabing susundan din nito ang yapak ng kanyang ina.
Pero, mukhang mas mataas pa ang pangarap ni Ashley, kaya't mas ginusto nitong mag-aral at makapagtapos ng kolehiyo.





Comments