Anak na si Jolo, palit bilang senador… SEN. BONG, NEVER NANG TATAKBO SA PAGKA-VP O PANGULO
- BULGAR
- May 23, 2023
- 2 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 23, 2023

Pinasaya at pinaiyak ng mag-asawang Sen. Bong Revilla, Jr. at Congresswoman Lani Mercado ang kanilang talent manager at nanay-nanayan sa showbiz na si Manay Lolit Solis sa celebration ng 76th birthday nito kahapon sa Super Sam Resto sa QC.
Nagbigay ng lunch treat ang mag-asawang Revilla para kay Manay Lolit na dinaluhan ng mga friends from the entertainment media.
Puring-puri ni Manay ang mag-asawa lalo na si Sen. Bong na binata pa lang nang una niyang hawakan bilang talent.
Throwback kuwento pa nga niya sa amin na ikinatawa namin, natutuwa raw siya kay Sen. Bong dahil nagbibigay ito ng datung sa kanya, 'di tulad ng namayapa nitong amang si Don Ramon Revilla, Sr. (SLN) na hamon lang ang ibinibigay at kuripot. (Haha! Baka bumangon si Don Ramon, Manay! Joke!)
But kidding aside, sabi ni Manay Lolit, si Bong talaga sa lahat ng mga alaga niya ang never niyang nakaaway at parang tunay na silang mag-ina dahil siya ang nagbibigay ng payo sa aktor-pulitiko.
Emosyonal nga siya nang sabihing naalala niya nu'ng maiskandalo siya sa Manila Filmfest noon, pinalayo raw sina Bong at Rudy Fernandez sa kanya dahil baka makasira sa career ng mga ito.
Pero ang sabi raw ng magkaibigang aktor sa kanya na pareho niyang alaga, "Kung 'yun ang makakasira ng career namin, we will still do it for her."
Awww! Ka-touched nga naman 'yun, 'no!
Kaya no wonder na ganu'n din kamahal ni Manay Lolit si Sen. Bong at parang tunay na ina, handa niyang ipaglaban ang anak-anakan sa anumang laban na haharapin pa nito.
Pero sabagay, mukhang tahimik naman na ang buhay ngayon ng mga Revilla matapos ma-detain ang senador nang ilang taon.
Sabi nga sa amin ng mag-asawang Sen. Bong at Cong. Lani, mas okay na ang ganito na nakakatulong pa rin sila sa maraming kababayan natin nang walang bumabatikos at namumulitika sa kanila.
Kaya todo-tanggi na si Sen. Bong at tinuldukan na ang posibilidad na tumakbo pa siya sa mas mataas na posisyon ng pagka-vice-president o president dahil trauma nga naman ang inabot ng buong pamilya niya nang ma-detain siya. Buti na lang talaga at ngayon ay vindicated siya sa mga naging bintang sa kanya noon.
At maging si Congw. Lani ay nagpahayag na okay na rin siya sa posisyon niya ngayon bilang mambabatas dahil masaya ang buhay niya at 'di na niya iniisip ang mas mataas na posisyon.
Pero sa kanilang mga anak, si Vice-Gov. Jolo Revilla raw ang posibleng sumunod sa yapak ni Sen. Bong bilang senador dahil nakikitaan nila ito ng potensiyal at dedikasyon sa kanyang paglilingkod-bayan.
Samantala, masayang ibinalita ni Sen. Bong na pumasa na sa Senado noong 17th at 18th Congress ang kanyang TSA Bill o Teaching Supplies Allowance at kung magiging batas na ito, ang dating tinatanggap na P5K ng bawat guro kada taon ay magiging P7,500 na sa taong 2024 at P10K naman sa taong 2025.
Excited na rin si Sen. Bong sa pagbabalik-telebisyon niya sa action-comedy show na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis na magsisimula na sa June 4 sa GMA-7 kung saan katambal niya naman dito si Beauty Gonzalez.
Comments