Anak, magpasalamat pa raw… JERIC KAY AJ: 'PAG BINA-BASH KA, IBIG SABIHIN, SIKAT KA!
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | December 11, 2022

Hindi dumalo si AJ Raval sa screening at mediacon ng pelikulang Pinoy Ghost Tales Trilogy: Horror Film kung saan kasama niya ang amang si Jeric Raval at kapatid na si JK Raval.
Base sa tatay niyang si Jeric ay may storycon na dadaluhan si AJ sa Viva para sa gagawing pelikula ngayong 2023.
“Hindi n’yo ba siya nakita? Inihatid ako, naka-sumbrero at naka-mask ng itim. Nagmamadali kasi hinahabol ‘yung storycon. Saka baka isipin na bago lang ‘to (Pinoy Ghost Tales), eh, katakut-takot na paliwanag pa. Matagal na itong project na ito at naipagpaalam naman na (sa Viva). Pero ngayon, hindi na siya puwedeng gumawa sa iba,” kuwento ni Jeric.
Kabilang si AJ sa episode na The Actress kasama sina Rob Sy at DJ Durano at wala siyang sexy scenes.
“Actually, unang nai-shoot itong pelikulang ito, ‘yung The Actress. Nai-shoot ito nu’ng bago pa mag-pandemic, so, inabutan kami ng pandemic. Hindi pa siya nagpapa-sexy ru'n. Pero ‘yung dalawa (Imaginary Friend at The Manager) episode, two months ago,” bungad ni Jeric.
Nabanggit pa na mas naunang gawin ni AJ ang Pinoy Ghost Tales bago siya pumirma ng eksklusibong kontrata sa Viva Films at sa VAA Management.
Reaksiyon ni Jeric sa pelikulang hindi nagpakita ng laman ang anak, “Okay naman, nakakaiyak at nakaka-acting naman siya (AJ). So, nu’ng first time kong makasama sa project namin (si AJ), okay naman. Sabi ko, 'Puwede ka sa drama.' Kaya lang, hindi siya nabibigyan ng drama sa Viva, eh. Alam naman natin ang trend ngayon.”
Sa simula pa lang naman daw na pinasok ni AJ ang showbiz ay ayaw na ni Jeric na magpa-sexy ang anak kaya hindi niya ito suportado.
“Lagi kong sinasabi (kay AJ) na hindi ko siya sinusuportahan sa mga ganu’ng project. Kaya lang, nandoon na siya sa edad na ‘yun, eh, so, desisyon niya ‘yun, hanggang doon lang ako.
“Siyempre, bawat magulang naman, kapag ang anak ay artista, gusto niya sa anak niya ay pumaimbulog pa sa ibang larangan ng pag-acting, hindi lang sa pagpapa-sexy.
“Actually, ang gusto nga ni AJ, mga action scenes. ‘Yung huli niyang ginawa, action, ‘yung Sitio Diablo. Ngayon, meron din silang ginagawa, sa Viva rin ‘yun,” pahayag ng action star.
Isa rin sa mga pangarap ni Jeric ay gumawa sila ni AJ ng action films, “A bigger project, hindi ‘yung basta nagsama lang kayo. Big event na kailangang pag-usapan, ‘yun ang dream ko, parang something like ‘yung kay Liam Neeson na Taken.”
Samantala, natanong si Jeric kung ano ang payo niya sa mga anak na nasa showbiz na tulad ni AJ at sa mga papasok pa lang.
“Payo ko sa kanila, ang sikreto rito sa movie industry ay marunong ka lang makitungo sa tao, marunong kang makisama, lahat dito, kaibigan. Ang iniipon dito, kaibigan, hindi kaaway.
“Kay AJ, sinasabi ko lagi sa kanya, 'Lahat dito, kaibigan. Kung may namba-bash man sa ‘yo, magpasalamat ka, kasi bina-bash ka. Ibig sabihin, sikat ka!"
“'Pag ina-ambush interview ‘yung iba, ayaw. Kapag may ambush interview, magpasalamat ka kasi may news value ka,” pangangatwiran ng aktor.
May news value ba kay Jeric ang mga naglalabasang issues kay AJ tulad ng pagbubuntis at panganganak daw nito?
“Ah, ‘yung mga naglabasang isyu kay AJ na dating (buntis), actually, matagal na ‘yun. Nagtataka ako bakit hindi pa nanganganak. Ang tagal na niyang buntis, ilang buwan na, overdue na!
“Sabi ko, ‘Okay lang ‘yun, anak, at least, napag-uusapan ka. Masanay ka, pasok sa kanang tenga, labas sa kaliwa. Okay lang ‘yan, kasama ‘yan sa trabaho natin.’ Hindi rin naman nakakaapekto sa akin, sanay na ako sa ganyan,” paliwanag ni Jeric.
At dahil nabanggit nga ng aktor ang salitang ‘pakikisama’ kaya maraming manunulat din ang inirerespeto sila kung anuman ang mga nangyayari.
“Yeah, thank you,” saad ni Jeric.
Anyway, ang Pinoy Ghost Tales Trilogy: Horror Film ay isinulat ni Lawrence Nicodemus at idinirek nina Afi Africa, Jojo Nadela, at John Isaac Natividad, produced ng LGM Grand Entertainment at LMK Productions.





Comments