Ampon at tunay na anak, pantay ang karapatan sa mana
- BULGAR

- Jul 16, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 16, 2024

Dear Chief Acosta,
Nais naming paghatian ang mga ari-arian ng mga pumanaw naming magulang. Apat kami na magkakapatid at nagkakagulo kami tungkol sa nararapat na bahagi namin sapagkat hindi nag-iwan ng huling habilin ang aming mga magulang. Katwiran ng aking mga kapatid, ampon lamang ako kaya’t hindi diumano ako makatatanggap ng mana. Gayunpaman, kahit kailan ay hindi ko naramdaman na ako ay ampon lamang sapagkat lubos na pagmamahal ang ibinigay sa akin ng aking mga magulang at kapatid. Ngunit ngayong usapang hatian ng ari-arian na ay bigla na lamang nagbago ang kanilang turing sa akin. May katotohanan ba sa kanilang binanggit na wala akong makukuhang mana? — Sam
Dear Sam,
Kung ang isang indibidwal ay dumaan sa tama at legal na proseso ng adoption o pag-ampon, malawak na karapatan ang ibinibigay sa kanya ng batas.
Ang Republic Act (R.A.) No. 11642 or the “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act,” ay ang batas na naglalahad ng epekto ng adoption, tulad ng:
“Section 41. Legitimacy. – the adoptee shall be considered the legitimate child of the adopter for all intents and purposes and as such in entitled to all the rights and obligations provided by law to legitimate children born to them without discrimination of any kind. To this end, the adoptee is entitled to love, guidance, and support in keeping with the means of the family. The legitimate filiation that is created between the adopter and adoptee shall be extended to the adopter’s parents, adopter’s legitimate siblings, and legitimate descendants.
The adopter is also given the right to choose the name by which the child is to be known, consistent with the best interest of the child.”
Ayon sa nabanggit na probisyon, ang inampon ay maituturing na lehitimong anak ng mga umampon sa kanya sa lahat ng pagkakataon. Kaya naman ang inampon ay magkakamit din ng anumang karapatan at obligasyong naaayon sa batas na karaniwang tinatamasa ng mga lehitimo at tunay na anak nang walang bahid na diskriminasyon.
Sa mata ng batas ay pareho lang ang pagtingin sa tunay na anak na iniluwal mismo ng kanyang magulang at sa mga ampon ng huli. Anuman ang makukuha ng tunay na anak ay siya ring makukuha ng inampon, sapagkat layunin ng batas na burahin ang pinanggalingan ng ampon upang maipatamasa sa kanya ang buhay na malaya sa panghuhusga ng tao. Sa katunayan ay confidential ang mga adoption record ng isang ampon, upang hindi na muling mabuksan ang kanyang nakaraan at mabigyan siya ng maayos at normal na buhay.
Kaya masasabing sa iyong sitwasyon, hindi totoo na sapat na ang pagbibihis at pagpapakain sa iyo ng iyong mga itinuring na magulang. Noong ikaw ay kanilang inampon, binigyan ka ng batas ng karapatan na tulad sa iyong mga kapatid. Kung ano ang magiging hati ng iyong mga kapatid sa naiwang ari-arian ng inyong mga magulang, gayundin ang nararapat sa iyo. Walang mas nakalalamang sapagkat sa mata ng batas, kayo ay pare-parehong lehitimong anak ng inyong mga magulang.
Sang-ayon sa New Civil Code of the Philippines, nararapat na paghatian ninyong apat na magkakapatid ng pantay-pantay ang mga ari-arian ng inyong mga magulang, sapagkat hindi sila nag-iwan ng huling habilin:
“Article 979. Legitimate children and their descendants succeed the parents and other ascendants, without distinction as to sex or age, and even if they should come from different marriages.
An adopted child succeeds to the property of the adopting parents in the same manner as a legitimate child.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments